NEWS | 2022/01/28 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – 35 na mga empleyado ng City Government of Kidapawan ang nag donate ng kanilang dugo sa ginanap na Blood Letting Activity ngayong araw ng Biyernes, January 28, 2022.
Mga regular, casual at job order employees ng City Government ang lumahok sa aktibidad na pinangunahan ng City Blood Center at Human Resource and Management Office na nagsimula ganap na ika-walo ng umaga sa City Pavilion.
Layon ng aktibidad na mapunan ang supply ng dugo sa City Blood Center para sa mga pasyenteng nangangailangan nito.
Ang blood letting ng mga opisyal at empleyado ng City Government ay taunang ginagawa mula noong taong 2013 sa unang termino ni City Mayor Joseph Evangelista.
Ito ay ginagawa ng City Government employees and officials tuwing buwan ng Enero o pagsisimula ng taon at sa buwan ng Hulyo na siya namang Blood Donor’s Month Celebration.
Katunayan ay may registry o listahan ng mga blood donor employees kasama na ang kanilang blood type ang CHRMO para makapagbigay ng dugo at madugtungan ang buhay ng mga lubhang nangangailangan nito.
Lahat naman ng mga sumali at nagbigay ng kanilang dugo ay kinunan muna ng mahahalagang vital signs gaya ng blood pressure, hemoglobin level, body weight, blood typing, at medical interview bago ang aktwal na pagbibigay ng dugo.
Matapos ang blood letting ay pinagpahinga muna ang mga partisipante at binigyan ng pack lunch para manumbalik ng dahan-dahan ang kanilang lakas ng pangangatawan.
Hinihikayat naman ang lahat na qualified na mag-donate ng dugo na gawin ito hindi lamang para makatulong na madugtungan ang buhay ng mga nangangailangan nito kungdi, nakabubuti din ito sa kalusugan, ayon pa sa City Blood Center.
Pwedeng magbigay ng dugo ang sino man na physically fit,18 years old o higit pa, tumitimbang ng 50 kilograms o 110 pounds pataas, at walang malubha o nakahahawang sakit gaya ng Hepatitis, Diabetes, sakit sa puso, hypertension, Acquired Immune Deficiency Syndrome AIDS at mga sexually transmitted diseases at iba pang sakit na pasok sa panuntunan ng mga health authorities.
Isa sa mga best practices ng City Government of Kidapawan ang taunang Blood Letting activity ng mga opisyal at empleyado na kinilala at ginawaran sa Sandugo Kabalikat Awards ng Department of Health at Philippine Red Cross.##(CIO/JSC/lkro)