NEWS | 2019/07/29 | LKRO
Brgy officials hindi dapat tatamad-tamad sa kampanya kontra dengue – Mayor Evangelista
KIDAPAWAN CITY – DAPAT HINDI TATAMAD-TAMAD ANG MGA opisyal ng barangay sa kampanya kontra dengue.
Tahasan itong sinabi ni City Mayor Joseph Evangelista sa Convocation Program ng City LGU sa patuloy na tumataas na kaso ng dengue fever sa lungsod.
Kinakailangang magkaisa ang lahat ng opisyal pati ang kanilang mga constituents ng malabanan at mapigilan ang pagdami ng mga nagkakasakit nito, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Dapat tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng ABKD o Aksyon Barangay Kontra Dengue sa pamamagitan ng regular na paglilinis sa mga komunidad at tahanan ng hindi pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng sakit.
Nasa 452 cases na ng dengue ang naitala sa Kidapawan City mula January-June 2019 kung saan ay may isa ang namatay dala ng komplikasyon nito, base na rin sa datos ng City Health Office.
Ito ay lubhang mataas kumpara sa 72 cases ng dengue na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.
Ugaliin dapat ng lahat na linisin ang kanilang mga tahanan upang mapuksa ang mga kiti-kiti at itlog ng lamok, pagpo-protekta sa sarili ng hindi makagat ng lamok, maagang pagpapagamot sa mga duktor o health center kung sakaling may lagnat ng dalawang araw at pagsuporta sa isasagawang fogging operation kung sakaling may outbreak ng dengue sa komunidad, giit pa ni Mayor Evangelista. ##(cio/lkoasay)