NEWS | 2024/03/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ( March 8, 2024) BUONG SUPORTA ang ipinapaabot ng Kidapawan City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC sa proposed Senate Bill number 1692 o ang Magna Carta for DRRM Workers.
Iniakda ni Senator Raffy Tulfo ang nabanggit na senate bill na naglalayong mabigyan ng dagdag na kompensasyon at proteksyon ang mga DRRM workers sa buong bansa na nahaharap sa peligro sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Sa kanilang isinagawang meeting noong March 6, na pinangunahan ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista na siya ring chair ng CDRRMC, nagpasa sila ng dalawang resolusyon para iparating sa senado ang pagsuporta sa Magna Carta for DRRM Workers.
Una, ay ang paghiling sa butihing Senador na isali sa Section 3 ng proposed bill, ang mga Emergency Medical Services o EMS workers (gaya ng Call 911 emergency responders na nagta-trabaho 24/7, mga health workers na nasa frontline sa panahon ng pandemic at iba pang krisis) at mga manggagawa ng Local Government Unit na nangangasiwa naman sa Waste Management dahil lubhang delikado ito sa kanilang kalusugan.
Ikalawa, ay ang pagpapa-abot ng full support ng CDRRMC sa Magna Carta for DRRM Workers. Makakatulong din ang Senate Bill 1692 sa maayos at mas maagap na pagtugon sa panahon ng kalamidad at krisis, wika pa ni Mayor Evangelista.