NEWS | 2019/02/26 | LKRO
CDRRMO nagbibigay ng tubig maiinom sa ilang sitio bunga ng El Niño
KIDAPAWAN CITY – NAGSIMULA ng magrasyon ng tubig maiinom ang City Disaster Risk Reduction and Management Office mula February 18 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ay matapos ipag utos ni City Mayor Joseph Evangelista sa CDRRMO na magbigay ng libreng tubig maiinom sa pitong sitio sa apat na mga barangay na naapektuhan na ng El NIño phenomenon na nananalasa na sa lungsod sa ngayon.
Mga Sitio ng Nazareth, Quarry, Puas Inda sa Barangay Amas; Andagkit sa Kalaisan; Lika sa Onica at Balite at Talisay sa barangay Malinan ang mga unang komunidad na binigyan ng tubig ng City Government.
Tuyo na ang mga balon sa mga nabanggit na sitio dala ng patuloy na init panahon at malayo din ang iba pang pagkukunan ng tubig maiinom, ayon pa sa mga residente.
Pumunta sa mga naturang lugar ang mga dump truck ng City Government dala ang mga tangke na may lamang tubig.
Dalawang libong litro ng tubig ang laman kada tangke ang ipinamamahagi ng CDRRMO sa mga pamilyang nakatira sa lugar.
Posible din na magdeklara ng State of Calamity ang City Government kung mananalasa pa ng matagal na panahon ang El Niño phenomenon sa lungsod.
Pero bago mangyayari ito ay kinakailangan munang i-validate ang kasiraang dulot ng tagtuyot sa mga pananim, farm animals, at kabuo-ang bilang ng mga tahanang apektado ng El Niño.
Kapag nadeklara ito, magbibigay karagdagang tulong sa mga apektadong komunidad ang City Government base na rin sa mandato ng RA 10-121 o DRRM Law.
Mahigit sa 23,000 households o 25% ng total local population ang tinatayang maa-apektuhan ng El Niño sa Kidapawan City, ayon na rin sa datos ng City Social Welfare and Development Office.
Abot naman sa 700 ektaryang maisan at 1200 ektaryang palayan at gulayan ang tatamaan ng tagtuyot, datos mula na rin sa City Agriculture Office. ##(CIO/LKOasay)
Photo caption – El Niño nananalasa na sa Kidapawan City: Tuyo na ang ilang kalupaan sa Kidapawan City kung saan makikita si CDRRMO Psalmer Bernalte na nanguna sa assessment sa mga lugar na sinalanta na ng tagtuyot. Dahil dito ay umaksyon na ang City Government sa pamimigay ng libreng tubig maiinom sa ilang apektadong mga lugar bilang agarang tulong sa mga residente.(CDRRMO Photos)