NEWS | 2021/02/16 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – NAKAHANDA NA ang City Government para magpatupad ng mass vaccination sa mga Kidapawenyo kontra Covid19.
Inilahad ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga nilalaman ng Mass Vaccination Roll Out Plan ng City Government na ipatutupad kapag dumating na ang bakuna na mula sa DOH at sa pharmaceutical company na magsusuply nito.
Ginawa ng alkalde ang kanyang Power Point presentation sa harap pa mismo ni Cotabato Governor Nancy Catamco umaga ng February 16, 2021 sa City Convention Center.
Nakasunod ang Vaccination Roll Out Plan ng lungsod sa itinatakda mismo ng Department of Health para mabakunahan na ang maraming Pilipino laban sa Covid19, pagtitiyak pa ng alkalde.
Una ng inilabas ni Mayor Evangelista ang Executive Order number 006 s. 2021 na siyang bumubuo ng Roll Out Task Force ng City Government na mangangasiwa sa pagpapatupad ng mass vaccination.
Dadaan sa masusing counselling, medical check-up at screening ang sino mang mabibigyan ng bakuna para na rin sa kanilang kaligtasan at maiwasan ang ano mang allergic reaction o di kaya ay komplikasyong dulot ng bakuna.
Magtatalaga ng Vaccination Hub ang City Government sa sentro ng Kidapawan City kung saan ay doon gagawin ang vaccination: Kidapawan City Pilot Elementary School, Kidapawan National High School, Notre Dame of Kidapawan College, St Mary’s Academy, Kidapawan Doctors College at mga pribadong ospital.
Katunayan ay naka cluster na ang mga barangay na bibigyan ng bakuna sa mga vaccination hubs na itinalaga ng City Government.
Magsasagawa ng massive information drive ang City Government upang hikayatin ang lahat na magpabakuna kontra Covid19.
Pinuri naman ng gobernadora ang inisyatibo ni Mayor Evangelista dahil na rin sa tanging Kidapawan City pa lang ang may nakahandang roll out plan sa mass vaccination kontra Covid19 sa buong lalawigan ng Cotabato.
Nagbigay naman ng katiyakan si Gov. Catamco na suportado ng Provincial Government ang nabanggit na inisyatibo ng City Government at magbibigay din ito ng tulong sa pagpapatupad ng mass vaccination.
Nagsagawa naman ng ‘simulation exercise’ ang dalawang opisyal sa kung papano sila mabibigyan ng bakuna mula sa DOH sa KCPES Covid19 Vaccination Hub matapos ang presentasyon na ginawa ng alkalde. ##(CIO)