NEWS | 2022/04/21 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – PINURI KAPWA NG World Health Organization -WHO Western Pacific Region at ng United Nations International Children’s Emergency Fund o UNICEF ang matagumpay na vaccination roll out kontra Covid19 na ipinatutupad ng City Government of Kidapawan.
Resulta ito sa nasaksihan at nalaman na mga ‘good vaccination practices ng City Government’ ng mga kinatawan mula sa WHO at UNICEF sa kanilang ginawang Covid Vaccine Post Introduction Evaluation sa lungsod kahapon, April 20, 2022.
Personal na ipinaabot ng team mula sa WHO at UNICEF ang pagbibigay puri kay City Mayor Joseph Evangelista at sa mga Local Health Officials ng City Government sa matagumpay na pagpapatupad ng pagbabakuna kontra Covid19 na anila, ay dapat ding pamarisan ng iba pang Local Government Units ng bansa na kung saan ay nananatiling mababa ang vaccination rate sa kasalukuyan.
Napatunayan ng WHO at ng UNICEF ang husay ng sistema ng City Government of Kidapawan sa Covid19 Vaccination matapos na manguna ang lungsod sa may pinakamataas na vaccination rate sa buong SOCCSKSARGEN o Region XII na lagpas sa 90%.
Ibig sabihin nito ay abot sa 9 mula sa 10 ang bilang ng mga bakunado sa Kidapawan City laban sa Covid19 na lubhang napakataas kung ikukumpara sa iba pang mga lugar sa Lalawigan ng Cotabato at sa buong Rehiyon dose.
Ipinaliwanag ng personal ni Mayor Evangelista ang maayos na sistema kung bakit nakamit ng lungsod ang napakataas na vaccination rate at kung papaanong nakontrol ng City Government ang pagtaas ng kaso ng sakit sa team ng WHO at UNICEF.
Ilan lamang dito ay ang pagbibigay ng food assistance sa mga magpapabakuna, pagbibigay insentibo sa mga tsuper ng tricycle at pampublikong sasakyan na maghahatid sundo sa mga vaccinees patungo sa mga vaccination hubs, clustering ng mga barangay kung saan ay inilapit ang vaccination sa mga mamamayan, pagbibigay cash assistance sa mga magkakasakit ng covid, partnership sa mga pribado at pampublikong ospital para maipagamot ang mga nagkasakit ng covid, agarang paglalagay ng isolation at quarantine facilities, mahigipt na pagpapatupad ng mga quarantine protocols at ang pagbabakuna sa mga bata edad 5-11 at 12-17 years old.
Ang magkatuwang na WHO at UNICEF team ay kinabibilangan nina Dr. Sukadeo Neupene, Dr. John Manuel Flores, Mr. Woody Apa, Mr. Albert John Enrico Dominguez, Mr. Juan Paolo Tonolete at mga kinatawan ng DOH Region XII at ng Cotabato Provincial Integrated Health Office.
Kanilang sinuri ang mga dokumentong inihanda ng City Government kaugnay ng pagbabakuna, random interview sa ilan sa mga nabakunahan sa mga barangay, at on-site documentation sa ginagawang pagbabakuna ng City Government.
Ang mga Covid19 vaccination good practices ng City Government of Kidapawan ay irerekomenda nila sa iba pang mga LGU o maging sa iba pang mga bansa na kanilang pupuntahan upang makamit na ang tuluyang pagkontrol sa dami ng nahahawaan ng Covid19, pagtitiyak pa ng WHO at UNICEF. ##(CIO)