NEWS | 2018/11/23 | LKRO
PRESS RELEASE
November 22, 2018
City Gov’t at DSWD 12 namigay ng tulong pinansyal sa mga maralitang apektado ng TRAIN Law
KIDAPAWAN CITY – MAGKA-AGAPAY NA iniabot ng City Government at Department of Social Welfare and Development Regional Office 12 ang P2,400 na tulong pinansyal para sa mga maralitang benepisyaryo ng Pantawid Program ng Pamahalaan.
Nakapaloob ang tulong sa ilalim ng Conditional Cash Assistance na para sa mga member beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s sa Kidapawan City at kalapit na lugar.
Layun ng tulong na maibsan ang epekto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law sa mga maralitang mamamayan.
P200 kada buwan ang ayuda na lump-sum o katumbas sa isang taon ang iniabot ng City Government at DSWD sa kamay ng bawat benepisyaryo.
Nagbaba ng utos si City Mayor Joseph Evangelista sa mga kawani ng City Social Welfare and Development Office na tulungan ang DSWD 12 sa distribusyon ng cash assistance.
Ginawa ito upang hindi mabiktima ng ‘BUDOL-BUDOL’ at mga manloloko ang mga nakatanggap ng tulong pinasyal.
Isa pa ay upang masegurong sa kamay ng member beneficiary mismo didiretso ang pera at hindi sa mga indibidwal na pinagsang-laan umano ng kanilang ATM Cards.
Naglagay din ng pulis sa mga ATM booths ng Land Bank of the Philippines ang City PNP para sa seguridad ng lahat habang binibigay ang cash assistance.##(CIO/LKOasay)
Photo caption – MGA APEKTADO NG TRAIN LAW TINULUNGAN NG GOBYERNO: Inaalalayan ng mga kawani ng DSWD 12 at City Government ang member beneficiary ng 4P’s sa pagku-kubra ng kanilang tulong pinansyal mula sa Pamahalaan. Binigay ang tulong upang maibsan ang epekto ng TRAIN Law sa mga maralitang mamamayan sa lungsod at kalapit lugar.(CIO Photo)