NEWS | 2019/07/03 | LKRO
City Gov’t muling nagbigay ng commitment sa pagtulong sa mga senior citizen
KIDAPAWAN CITY – HANDANG TUMUGON ANG CITY Government sa mga pangagailangan ng mga Senior Citizens.
Ito ay katiyakang ibinigay ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga opisyal ng Pederasyon ng Kapisanan ng mga Senior Citizens ng Kidapawan City sa induction ng mga bagong opisyal June 28, 2019.
Hahanapan niya ng paraan, ani pa ni Mayor Evangelista, na ibigay ang cash incentives para sa edad otsenta anyos pataas na mga senior citizens.
P20,000 para sa mga edad 80-89, P30,000 sa 90-99 at P50,000 para sa mga edad 100 taon pataas ang nais ibigay na cash incentive ng City Government sa mga senior citizens.
P27 Million ang kinakailangang pondo para rito kung kaya at isasangguni ni Mayor Evangelista sa mga kasapi ng konseho na pag-aralang mabuti kung papano ipatutupad ang nabanggit.
Ipatutupad din ng City Government ang house to house na delivery ng maintenance medicine ng mga senior citizens.
Katuwang ng lokal na pamahalaan ang With Love Jan Incorporated, DOH at OSCA sa programa.
Sa ganitong pamamaraan ay hindi na mahihirapan pa ang mga nakakatanda na pumunta sa sentro ng lungsod para lang bumili ng kinakailangang gamot.
May ibibigay din na libreng baston, walker at wheel chair sa mga senior citizens na nangangailanagn nito.
Kinakailangan lamang nilang makipag ugnayan sa mga lider ng senior citizens sa barangay.
Dinagdagan din ng alkalde ang pondo para sa meryenda ng mga nakakatanda tuwing may gaganapin silang pagtitipon sa kanilang mga barangay.
Libre na rin ang serbisyo ng pagnonotaryo lalo na sa mga titulo ng lupa at mahahalagang dokumento sa pamamagitan ni City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista na anak ng alkalde.
Bilang panghuli ay nagpasalamat naman si Mayor Evangelista sa patuloy na suporta at tiwala ng mga senior citizens sa kanyang liderato.##(cio/lkoasay)
Photo caption – MGA BAGONG OPISYAL NG SENIOR CITIZENS SA KIDAPAWAN CITY NANUMPA NA: Ibinigay ni City Mayor Joseph Evangelista ng Oaths of Offices ng mga bagong lider ng kapisanan ng mga Senior Citizens sa Kidapawan City June 28, 2019. Sila ay nakatakdang manglilingkod ng tatlong taon.(cio photo)