NEWS | 2021/08/26 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – TUMANGGAP ng limang-daang sako ng bigas ang Kidapawan City Government mula sa Provincial Government of Cotabato ngayong umaga ng Huwebes, August 26, 2021.
Personal na iniabot ni 2nd District Board Member Dr. Philbert Malaluan at ng personnel mula sa Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO ang nabanggit na ayuda kina City Social Welfare and Development Officer Daisy Gaviola at City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista sa simpleng turn-over na ginawa sa National Food Authority o NFA sa lungsod.
Magsisilbing food packs o bahagi ng ayudang pagkain mula sa provincial at city government ang nabanggit na mga bigas para sa mga pamilyang isasailalim ng lockdown dahil sa Covid-19.
Isinakay naman agad sa tatlong dump trucks ng city government ang mga bigas.
Mula sa CSWDO, aatasan naman ang City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU sa pamamahagi ng mga ni-repack na bigas kasama ang mga de-latang pagkain para sa mga pamilyang maapektuhan ng lockdown.
Nakatakdang ipamahagi ang mga bigas susunod na linggo upang agad ding mapakinabangan.
Nagpasalamat naman ang City Government of Kidapawan kay Cotabato Provincial Governor Nancy Catamco sa ipinaabot nitong tulong ng provincial government para sa mga pamilyang maaapektuhan ng lockdown sa lungsod dulot ng Covid-19 infection at transmission.