NEWS | 2019/02/17 | LKRO
Cotabato Provincial Gov’t nagbigay ng P5M ayuda para sa itatayong OFW Village sa lungsod
KIDAPAWAN CITY – PINASALAMATAN NG MGA DUMALONG OVERSEAS Filipino Workers ang limang milyong pisong ayuda ng Cotabato Provincial Government para sa itatayong OFW Village sa lungsod.
Katuparan na ang nabanggit para magkaroon ng mura at disenteng pabahay ang mga OFW’s na magka-qualify sa programa ng City at Provincial Governments.
Personal na iniabot ni Governor Emmylou Taliño – Mendoza ang tseke na naglalaman ng naturang halaga kay Mayor Joseph Evangelista hudyat ng pagsisimula ng proyekto na tinatarget maipatupad ngayong 2019.
Itatayo ang OFW Village sa isang lupain na binili ng City Government sa Barangay Kalaisan ng lungsod.
Maala-alang pinangako ni Mayor Evangelista sa mga OFW’s na taga Kidapawan City na nagta-trabaho sa Hong Kong at Singapore ang pagpapatayo ng pabahay ng personal siyang bumisita roon noong 2017.
Target ng programa na mabigyan ng mura at disenteng pabahay ang mga OFW’s na taga Kidapawan City na walang naipundar na lupa’t bahay sa loob ng maraming taong pagta-trabaho hindi lamang sa Hong kong at Singapore kungdi pati na rin sa ibang bansa.
Ididisenyo ng Socialized Housing Finance Corporation ang mga bahay samantalang pakakabitan naman ng City Government ng linya ng tubig at kuryente ang lugar na magagamit ng mga OFW na nakatira doon. ##(CIO/LKOasay)