NEWS | 2024/01/09 | LKRO
Kidapawan City (January 8, 2024)-Lumagda ng kasunduan si City Social Welfare and Development Officer Daisy P. Gaviola at Punong Barangay Ricardo Ceballos upang tuldokan ang mga kaso ng pamamalimos sa Barangay Lanao. Ang naturang kasunduan sa pagitan ng CSWDO at BLGU Lanao ay upang mabigyan ng proyektong pangkabuhayan ang kliyenteng kinilala na si Eldison Sabellita Abing.
Si Abing bilang isang Person With Disability o PWD ay naiulat na namamalimos sa entrance ng Gaisano Grand Mall sa loob ng maraming taon . Alinsunod sa Anti-Mendicancy Law o Presidential Decree 1563 ay higit na ipinagbabawal ang pamamalimos at ang pagbibigay ng limos sa mga mahihirap sa kalye. Kaya inimbitahan ng tanggapan ng CSWD si Mr. Abing para sa isang pag-uusap noong nakalipas na buwan upang magawan ng paraan na maiahon ito mula sa kanyang sitwasyon.
Bahagi ng kasunduan na mangangako ito na itigil na ang lahat ng kanyang mga aktibidad na ipinagbabawal ng Anti-Mendicancy Law saan man sa lungsod at sa halip ay gumawa ng disenteng hanapbuhay. Magbibigay ang City Government ng tulong financial sa pamamagitan ng CSWDO bilang puhunan kay Mr. Abing na makapagsimula ng kanyang naisipang negosyong Kwek-kwek food cart. Patuloy din siyang susubaybayan ng CSWDO at BLGU Lanao upang matulungang palaguin ang kanyang negosyo.