NEWS | 2021/03/17 | LKRO
ABOT LANGIT na pasasalamat ang pinaa-abot ng dalawang Kidapawenyang Overseas Filipino na natulungan ni City Mayor Joseph Evangelista na makauwi sa lungsod matapos ang masaklap na karanasang sinapit sa pagta-trabaho sa ibang bansa.
Personal na nagpasalamat sina Daylin Havana ng Barangay Mateo at Nelba Desabille ng Barangay Sibawan kay Mayor Evangelista umaga ng March 16, 2021 sa City Hall.
Kapwa nagpasaklolo ang kapatid ni Daylin at ang mister at anak ni Nelba kay Mayor Evangelista para sa agarang pag-uwi ng kanilang kaanak pabalik ng Pilipinas.
Nagtrabaho bilang mga household workers sina Daylin at Nelba sa Kingdom of Saudi Arabia.
Anim na buwan matapos ang kanyang kontrata bago nakauwi si Daylin kung saan ay inilipat siya ng kanyang employer sa kamag-anak nito mula Riyadh patungong Jeddah.
Wala siyang tinanggap na sweldo sa mahabang panahon at ang masaklap pa nito ay nagkataong nangyari ang Covid19 pandemic at nagpatupad ng lockdown sa bansang kanyang pinagtrabahuan.
Habang si Nelba naman ay na-stroke sa panahon ng kanyang pagta-trabaho sa Riyadh.
Buti na lang at nagkataong isang duktor ang kanyang among Arabo at ito na mismo ang nagpagamot sa kanya sa ospital.
Agad inutusan ng alkalde si Ms. Aida Labina – ang Focal Person ng mga OF concerns ng City Government na makipag-ugnayan at kulitin ang recruitment agency, OWWA at mga Philippine Embassy officials sa Saudi Arabia para agad makauwi ang mga nabanggit na distressed Kidapawenya.
Nagpa-abot din ng cash assistance si Mayor Evangelista kina Daylin at Nelba na magagamit nila bilang pantawid sa kasalukuyan.
Sila ay ilan lamang sa mga distressed Overseas Workers na dumanas ng labis-labis na hirap sa pangingibang bansa sa layuning mabigyan ng magandang buhay ang pamilya na natulungang makauwi ng City Government. ##(CIO)