NEWS | 2018/10/25 | LKRO
DINOMINA AT HINAKOT NG dalawang batang mananayaw mula sa Kidapawan City ang torneo at premyo sa International Dancesport Competition sa Hong Kong, China kamakailan lang.
Labing apat na Diamond Awards ang napanalunan nina Prince Angelou Bacalso Villarosa at Angel Burlat Rabe kapwa Grade 5 pupils ng Kidapawan City sa naturang kompetisyon.
Bitbit nilang dalawa kasama ang kani-kanilang mga ina at coaches ang napanalunang premyo sa courtesy call sa Tanggapan ni City Mayor joseph Evangelista October 24, 2018.
Grade 5 pupil ng Felipe Swerte Elementary School si Villarosa habang nagmula naman sa Central Mindanao Colleges si Rabe.
Silang dalawa ang kumatawan sa Pilipinas laban sa mga katunggali mula Asya, Europa, Hilaga at Timog Amerika na sumali sa torneo.
Napanalunan nina Rabe at Villarosa ang Top Prize sa labing apat na iba’t-ibang kategorya ng Latin American Dancesport gaya ng cha-cha-cha; rumba, jive; samba, paso-doble; salsa, tango at iba pang sayaw.
Produkto kapwa sina Rabe at Villarosa sa programa na One Team, One City, One Goal Sports Development ng City Government na nakatuon sa Dancesport at iba pang Sporting Events.
Nagbigay ng P30,000 na tulong pinasyal si Mayor Evangelista at P50,000 naman mula kay Senator Manny Pacquiao kina Rabe at Villarosa, kanilang coaches na sina Diodilito Laniton at Arens Brizuela upang makasali sa prestihiyosong kompetisyon.
Target na nilang sumali at manalo sa katulad ding kompetisyon na gaganapin naman sa bansang Australia sa unang bahagi ng 2019. (CIO/LKOasay)
Photo Caption – TOP WINNER: Kuha sa larawan sina Angel Burlat Rabe (kaliwa) at Prince Angelou Bacalso Villarosa (kanan) kasama si City Mayor Joseph Evangelista. Napanalunan nina Rabe at Villarosa ang Top Prize sa International Dancesport Competition sa Hong Kong China kamakailan lang. (CIO Photo)