NEWS | 2021/03/16 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – NAKATANGGAP NG ONE STAR AT LEVEL 1 ACCREDITATION ang mahigit sa apatnapung mga Early Child Development o day care workers ng lungsod mula sa Department of Social Welfare and Development XII. Pirmado pa mismo ni DSWD XII Regional Director Cesario Joel Espejo ang Accreditation Certificates ng mga day care workers bilang patunay na naabot nila ang minimum requirement na isinasaad ng ahensya sa ilalim ng Early Child Care and Development Center-Based Programs. Kinilala ng DSWD XII ang kontribusyon at mahahalagang papel ng mga day care workers ng lungsod sa tamang pagpapalaki ng mga bata sa preschool edad 3 years old hanggang 4 years and 11 months old sa pamamagitan ng mga Early Child Development o day care Centers. Matatandaang pinag-laanan ng subsidy ni City Mayor Joseph Evangelista ang sector ng edukasyon kung saan ay sakop nito yaong mga bata mula sa pre-school hanggang senior high school. Maliban sa pagpapatayo ng angkop na gusaling magsisilbing silid aralan ng mga bata, hanggang sa pagbibigay ng mga kinakailangang learning materials, nakatulong din ang subsidy mula sa City Government sa aspetong pangkalusugan ng mga pre-school aged children. Tatlong taon ang validity period ng DSWD Accreditation mula December 17, 2020 hanggang December 16, 2023. Kaugnay nito, dahil na rin sa posibilidad ng pagbabalik ng face to face learning sakaling bumaba na ang kaso ng Covid19 sa lungsod, isasali ni Mayor Evangelista na mabibigyang prayoridad ang mga day care workers na matuturukan ng bakuna maliban pa sa mga identified eligible population na mababakunahan sa hinaharap. ##(CIO)