NEWS | 2022/08/19 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (August 19, 2022) – TULOY NA TULOY na ang pagbubukas ng Department of Foreign Affairs o DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa buwan ng Setyembre 2022. Ito ay makaraang pumirma sa isang virtual Memorandum of Agreement o MOA aina Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Jesus Domingo nitong umaga ng Biyernes, August 19, 2022.Hudyat ito na tuloy na ang inaantay na pagbubukas ng opisina ng DFA sa lungsod. Sa pamamagitan nito ay mabibigyan na ng mga serbisyo gaya ng passporting services, civil registry at assistance to nationals hindi lamang mga taga Kidapawan City kungdi pati na rin sa mga karatig na bayan sa lalawigan ng Cotabato at mga kalapit probinsya. “ Malaking pakinabang ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa lahat ng taga Kidapawan at mga karatig lugar. Magdadala ito ng ibayo pang kaunlaran, koordinasyon, turismo at paglago ng negosyo sa lungsod. Ito ay resulta ng pagsisikap ng City Government na matugunan at mailapit pa ang mga programa at serbisyo ng Pamahalaan sa mga mamamayan’, mensahe ni Mayor Evangelista sa ginanap na MOA signing. Sinang-ayunan naman ng DFA ang mensahe ng alkalde lalo na at pinaplano ng ahensya na magkaroon ng ugnayan ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa mga embahada at tanggapan nito sa loob at labas ng bansa sa layuning maipakilala ang natatanging kultura at tradisyon ng lungsod. Magkatuwang naman ang tanggapan ni Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan, dating City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd District Senior Board Member Joseph Evangelista, Regional Office XII ng National Economic and Development Authority o NEDA at ang DFA sa pagsasakatuparan ng nabanggit na proyekto. Matatagpuan ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa Alim Street katabi lamang ng City Overland Terminal sa barangay Poblacion ng lungsod. Maliban kina Mayor Evangelista at DFA Undersecretary Domingo, dumalo at sinaksihan din nina NEDA XII RD Teresita Socorro Ramos, DFA Asst. Secretary of Office of Consular Affairs Henry Bensurto Jr, DFA Kidapawan Head of Consular Office Nadjefah Mangodaya, City Administrator Janice Garcia, City Planning and Development Officer Divina Fuentes at iba pang mga opisyal ang naganap na virtual MOA signing. Sa September 2022 na din gaganapin ang inauguration ng bagong gusali kung saan ay unang mabibigyang serbisyo ang 30 identified clients nito bilang panimula. Bukas mula 10am hanggang 6pm ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan mula Lunes hanggang Biyernes.##(CMO-cio)