NEWS | 2022/01/05 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – PORMAL ng nai-turn over ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang Php 25 Million na Department of Foreign Affairs o DFA Consular Office Cotabato – Kidapawan building ngayong araw ng Miyerkules, January 5, 2022 sa City Government.
Pormal na tinanggap ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang bagong gusali ng DFA o Kagawaran ng Ugnayang Panlabas na itinayo sa lupang pag-aari ng City Government of Kidapawan sa may Alim Street, ng Barangay Poblacion, malapit lamang sa City Overland Terminal.
Malaking benepisyo ang ihahatid ng DFA Consular Office lalo na sa mga kababayang kukuha ng passport, pati na ang agarang pagsasa-ayos ng suliranin ng mga Overseas Filipino Workers na taga Kidapawan City at karatig- lugar na magta-trabaho sa ibang bansa.
Matatandaang naging commitment noon ni Mayor Evangelista na magpatayo ng DFA Consular Office na makatutulong sa pangangailangan ng passport at katulad na serbisyo ng mga taga Kidapawan City at kalapit na mga lugar.
Pinondohan ng Countrywide Development Fund ni Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan ang pagpapatayo ng tatlong palapag na gusali.
Samantala, ay magbibigay ng mga kinakailangang kagamitan ng DFA Consular Office ang Cotabato Provincial Government para sa inaantabayanang pagbubukas ng pasilidad para sa publiko sa buwan ng Marso 2022.
Nagpadala naman ng mensahe si DFA Secretary Teddy Locsin Jr, kung saan ay pinuri niya ang inisyatibo ng City Government of Kidapawan na magkaroon ng sangay ng ahensya sa lungsod.
Bahagi rin ito ng hakbang ng Duterte Administration na mailapit ng husto ang mga pangunahing programa at proyekto ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Maliban kina Mayor Evangelista at Congressman Caoagdan, dumalo rin sa Turn-Over Ceremony ng DFA Consular Office Cotabato – Kidapawan sina NEDA XII Assistant Director Carmel Matabang na siyang nagrepresenta kay National Economic Development Authority XII Regional Director Teresita Socorro Ramos, Liezel Anne Decrepito ng DFA General Santos City na siya namang representante ni DFA Secretary Locsin, District Engineer Rey Francisco ng DPWH Cotabato 2nd District Engineering Office at si Cotabato Governor Nancy Catamco na isa sa mga panauhing pandangal ng okasyon. ##(CIO)