NEWS | 2022/02/15 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (February 15, 2022) – NAKABIYAYA mula sa Fisheries Cost Recovery Program ng Office of the City Agriculturist ng Kidapawan ang isa sa mga benepisyaryo ng programa matapos magsagawa ng kanyang unang harvest kahapon February 14, 2022 o sa mismong araw ng mga puso.
Ganon na lamang ang tuwa ni Jacinto Banga ng Banga Farm sa New Bohol, Kidapawan dahil sa masaganang ani ng mga tilapia mula sa kanyang fishpond apat na buwan lamang matapos simulan ang pag-aalaga ng sex reverse tilapia, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton.
Abot sa 200 kilos ng tilapia ang nakuha mula sa fishpond ni Banga na nagkakahalaga ng P15,590 na binili naman ito ng City Government of Kidapawan.
Mula sa naturang halaga ay ibinalik ni Banga ang halagang P8,050.00 alinsunod na rin sa nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng OCA at beneficiary.
Gamit ang isa sa mga bagong hauler truck ng city government ay ibiniyahe ang mga isda patungong Farmer’s Market sa City Plaza upang i-display at ibenta sa mga mamimili habang ang iba pa ay inihatid sa merkado sa mga vendors na una ng nagpa reserve ng tilapia.
Matapos ang harvest ng tilapia sa Banga Farm ay inaasahan namang susunod na mga harvest mula sa iba pang mga fishpond sa lungsod na bahagi pa rin ng Fish Cost Recovery Program, ayon pa kay Aton.
Kaugnay nito, sinabi ni Kidapawan City Mayor Jopseph A. Evangelista na patuloy ang City Government sa pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda sa lungsod sa harap na rin ng nagpapatuloy na pandemiya ng Covid-19.
Ito ay para matiyak ang tuloy-tuloy na food supply at food sustainability na siya namang pangunahing mandato ng OCA. (CIO-jscj/photos-Office of the City Agriculturist)