NEWS | 2021/08/16 | LKRO
PINALAWIG PA NG LIMANG ARAW (Kidapawan City, Aug 16, 2021) PALALAWIGIN pa ng City Government of Kidapawan ng karagdagang limang araw ang focus containment sa Barangay SIbawan simula August 16, 2021.
Napagkasunduan ng Local Inter Agency Task Force o LIATF-Covid-19 ang quarantine extension upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa lugar.
Napagdesisyunan ng Local IATF sa regular meeting nito ngayong araw 16 ang bagay na ito sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista na siya ring Chairperson ng LIATF.
Nasa 18 kaso ng Covid-19 ang naitala sa lugar nitong buwan ng Agosto kung kaya at isinailalim ang barangay sa focus containment.
Sinang-ayunan naman ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU ang pagpapalawig ng focus containment matapos na 38 pa ang nadagdag bilang suspected Covid19 infections mula sa Barangay Sibawan at inaantay ang kumpirmasyon ng RT-PCR test ng mga ito.
Kaugnay nito, nais ngayon ni Mayor Evangelista na hilingin ang serbisyo ng army sa ilalim ng Task Force Kidapawan para sa pagpapatupad ng seguridad at mahigpit na implementasyon ng quarantine at minimum
health standards habang umiiral ang focus containment sa lugar at mapigilan na rin ang pagtaas pa ng kaso ng Covid19.
Hiniling din ng alkalde sa CESU na ipasailalim sa genome sequencing test ang mga sample mula sa Barangay Sibawan para malaman kung anong URI ng variant ng Covid ang tumama sa lugar dala na rin sa pangamba ng mas nakakahawang Delta variant virus.
Matatapos naman ang extension ng focus containment ng Barangay Sibawan sa August 21, 2021 kasabay ng inaasahang pagbaba ng kaso ng doon.
Tiniyak naman ni Mayor Evangelista ang karagdagang tulong gaya ng pagkain para sa mga apektadong pamilya ng Barangay SIbawan habang umiiral ang focus containment sa lugar. (CIO)