NEWS | 2024/01/09 | LKRO
Kidapawan City (January 9, 2024) – Walong (8) distressed na mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang natulungan ng mga taga Overseas Workers Welfare Administration o OWWA XII at City Government, sa pamamagitan ng Public OFW Desk Office (PODO), na makauwi ng bansa, partikular na sa lungsod noong nakaraang taon.
Ayon sa taga PODO, maliban sa repatriation o pagpapauwi sa kanila, nabigyan din ang mga distressed OFW ng medical at welfare services, pati narin livelihood assistance.
Isang distressed OFW din ang natulungan upang sumailalim sa
Psycho-Social intervention ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), at laboratory at medical assistance ng City Health Office (CHO) at Pag-Amuma Assistance Unit (PAU).
Dalawang (2) labi ng mga pumanaw na OFW ang naiuwi pabalik sa kani-kanilang mga mahal sa buhay at nabigyan din ng burial assistance ng PAU.
Samantala, isang daang (100) returning OFWs ang tumanggap ng tulong mula sa Balik Pinas Balik Hanapbuhay (BPBH) Program ng OWWA, kung saan animnapo’t siyam (69) sa kanila ang tumanggap ng cash assistance, habang labing walo (18) ang nabigyan ng welfare at medical assistance.
Tumanggap din ng Tulong Pangkabuhayan sa Pag-Unlad ng Samahang OFWs o Tulong PUSO, na nagkakahalaga ng isang milyong piso (second and third tranche) ang mga miyembro ng tatlong OFW Associations mula sa mga Barangay ng Mateo, Marbel at Sto Niňo.
Dahil dito muling naisulong ng mga distressed OFW ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya (sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng sariling negosyo kagaya ng sari-sari store, bigasan at motor parts) sa kabila ng kanilang kabiguan sa ibang bansa.###(Lloyd Kenzo Oasay │ City Information Office)