KASO NG VAWC SA LUNGSOD BUMABA

You are here: Home


NEWS | 2021/04/05 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – BUMABA ANG KASO NG VIOLENCE Against Women and Children o VAWC sa lungsod nitong taong 2020.

Ito ay inihayag mismo ni City Mayor Joseph Evangelista sa kanyang mensahe sa Culmination Program ng National Women’s Month sa lungsod nitong March 30, 2021.

Ang pagbaba ng kaso ng VAWC ay dahil na rin sa pagpupunyagi ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO at partner stakeholders na maipa-alam sa mga kababaihan ang kanilang mga karapatan sa tahanan at sa lipunan sa kabuo-an at matulungan  ang mga biktima ng pang-aabuso.

Sa report na inilabas ng CSWDO, bumaba ang kaso ng pisikal, emosyonal at sekswal na pang-aabuso sa mga kababaihan sa iba’t-ibang komunidad sa lungsod kumpara sa mga nakalipas na taon.

Narito naman ang bilang ng kaso ng VAWC sa lungsod: 2016 – 182; 2017-181; 2018-148; 2019-99 at 2020 – 68, ayon pa sa inilabas na report ni Acting CSWD Officer Daisy Gaviola. Mapapansin na bumaba ang kaso ng VAWC sa panahon ng pananalasa ng Covid19 pandemic.

Sa kabila kasi ng mga minimum health protocols at limitadong galaw ng mga mamamayan, binigyan ng ibayong atensyon ni Mayor Evangelista ang pagseguro na nasa maayos ang kalagayan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsusulong sa mga programa lalo na ng DSWD at ng Women’s and Children’s Desk ng PNP.

Kaugnay nito, hinimok ng alkalde ang Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan  lalo na sa mga lady councilors Marites Malaluan, Airene Claire Pagal at SK Federation President Cenn Taynan na lumikha ng ordinansa na magbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga naging biktima ng VAWC.

Bagamat at limitado ang bilang dahil na rin sa mga umiiral na Covid19 minimum health protocols, nagtipon-tipon ang ilang mga women’s groups sa lungsod sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan sa Culmination Program nitong March 30, 2021 sa Mega Tent ng City Hall.

Ito ay kinabibilangan ng: Mothers Club, Rural Improvement Club, Kalipi ng Lahing Pilipina, Four P’s Women’s Organization, Bangsamoro Women, City Indigenous Women’s Federation at ang Cotabato Indigenous People Women’s Association. ##(CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio