NEWS | 2022/08/24 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (August 24, 2022) – SA kauna-unahang pagkakataon ay binuksan ang isang Child Care Center o CCC sa Lungsod ng Kidapawan na pinangangasiwaan ng mga Overseas Filipino Worker o OFWs.
Bandang alas-nuwebe ng umaga ngayong araw ng Miyerkules, August 24, 2022 ay ginawa ang launching at formal opening ng Child Care Center (4th Block Lopez Street, Barangay Poblacion) sa pangunguna ni Ira Vallinte, Presidente ng Migrant Workers and Family Association at siyang Administrator ng naturang pasilidad.
Ayon kay Vallente, sama-samang itinayo ng mga OFWs sa lungsod ang CCC mula sa kanilang sariling pondo kung saan nagbigay ang bawat miyembro ng P1,000 bilang share capital.
Pinasalamatan ni Vallinte ang mga member-OFWs at shareholders at kinilala ang kanilang pagsisikap na maitayo ang CCC para paglagakan ng mga bata habang abala ang mga magulang.
Mga toddlers o mga batang 1 to 4 years old ang maaaring ihabilin sa CCC. Kailangan lamang magpa register ang mga magulang sa halagang P250 (registration fee) at P200 para sa pagbabantay sa mga bat amula 8 AM – 5 PM.
Ikinatuwa naman ni Public OFW Desk Office o PODO officer Aida Labina ang pagkakaroon ng CCC sa lungsod dahil maliban sa nakakatulong ito sa pangangalaga ng mga bata ay nagsisilbi rin itong income generating at livelihood project ng mga OFWs.
Dumalo at nakiisa din sa aktibidad sina Kidapawan City Councilors Judith Navarra at Rosheil Gantuangco-Zoreta, Barangay Poblacion Kagawad Melvin Lamata III at Aida Labina, Public OFW Desk Office o PODO/Officer Kidapawan na nagbigay ng kani-kanilang mensahe. (CIO-jscj/if/vb)