NEWS | 2019/10/09 | LKRO
Kidapawan City, 100 percent drug cleared na-PDEA-12
SERTIPIKADO na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-12 ang Kidapawan City bilang drug clear city dahil sa matatag at pinalakas na kampanya ng lungsod kontra sa iligal na droga.
Muli kasing nag validate ang PDEA-12 sa apatnapung mga barangay ng lungsod kung saan lumalabas na ang 38 naunang drug cleared barangays ay napanatili ang status, habang ang 2 natirang barangay na sumailaim sa validation ay na cleared narin.
Pinakahuling mga barangay na isinailalim sa validation ay ang Barangay Poblacion at Sudapin.
Ikinagalak naman ni Mayor Joseph A. Evangelista ang pagiging 100 percent drug cleared ng lungsod, kasunod ang apila sa mga barangay officials na dapat ay mapanatili ito sa mga susunod pang mga buwan.
Iprenesenta din ng PDEA-12 ang dokumento na nagpapatunay na nakapag comply nga ang lahat ng mga barangay sa panuntunan ng Dangerous Drug Board (DDB) hingil sa deklarasyon ng pagiging drug cleared status.
Kabilang sa mga batayan ng PDEA 12 ang walang record na may nagsu-supply ng iligal na droga sa barangay, walang drug laboratory at taniman ng marijuana at higit sa lahat ang aktibong Barangay Drug Abuse Council (BDAC) sa kampanya kontra sa droga.
Kumpiyansa si Mayor Evangelista na ipagpapatuloy ng mga barangay officials ang ganitong mga programa lalo pa at puspusan din ang isinasagawang paglilinis ng mga awtoridad sa mga nagbebenta at gumagamit ng droga.
Nangako ang alkalde na susuportahan niya ang lahat ng mga programa laban sa iligal na droga at nakahanda anya siyang magbigay ng ayuda sa mga opisyal na magpapatupad nito.
Apila ni Mayor Evangelista sa mga barangay officials, maging mapagbantay at agad na iulat sa kinauukulan ang anumang mga kahina-hinalang mga bagay o taong nasa kanilang lugar upang maiwasan ang anumang iligal na Gawain.
Tiniyak nito ang agarang aksiyon at ang pagtugon sa anumang ulat na may kinalaman sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga miyembro ng PNP na silang may mandato para manghuli ng mga nagbabalak na magbenta o kaya ay gumamit ng droga.(CIO)