NEWS | 2019/02/28 | LKRO
Kidapawan City athletes namayagpag sa SRAA 2019 at Batang Pinoy Mindanao Leg
KIDAPAWAN CITY – NAGBUBUNGA NA ang One Team One City One Goal 5 Year Sports Development Program ng City Government matapos mamayagpag ang mga atleta ng lungsod sa SOCCSKSARGEN Regional Meet 2019 at Batang Pinoy Mindanao Leg kamakailan lang.
Mula ikapitong pwesto noong 2018 ay lumundag na sa ikaapat ang Kidapawan City sa SRAA samantalang nanalo naman ng mga medalyang ginto, pilak at tanso sa Batang Pinoy ang mga pambato ng lungsod.
39 Gold, 30 Silver at 42 Bronze Medals ang napanalunan ng Kidapawan City Delegation sa SRAA na ginanap sa tatlong bayan ng Sarangani samantalang 6 gold, 15 silver at 11 bronze medals naman sa Batang Pinoy sa Tagum City.
Nagbigay ng medalya para sa Kidapawan City sa katatapos lamang na SRAA meet at Batang Pinoy ang mga sumusunod na events: Swimming; Athletics; Badminton; Taekwondo; Gymnastics; Table Tennis, Arnis; Volleyball Girls Elementary; Chess; Dance Sports; Wrestling; Boxing; Wushu; Baseball Boys Secondary; Sepak Takraw at Pencak Silat.
Nagbigay ng subsidy ang City Government para sa training, exposure, equipment at uniporme pati na pagkain sa mga atletang kumatawan sa Kidapawan City para sa mga nabanggit na palaro.
Nagsimulang ipatupad ni City Mayor Joseph Evangelista ang One Team One City One Goal noong 2017 na naglalayung makatuklas ng mga magagaling na kabataang maglalaro para sa Kidapawan City sa mga provincial, regional at national meets.
Katuwang ang Department of Education City Schools Division at ang Kidapawan City Sports Development Council, lumikha ng training pool ang Kidapawan City Government sa tulong ng mga local sports clubs para hasain ang mga manlalaro pati na ang kanilang mga coaches na mga guro ng DepEd.
Mas nabigyan na ng ibayong atensyon ang Sports Development Program ng lungsod kumpara noon dala na rin sa aktibong partnership ng City Government, City Sports Dev’t Council, DepEd, local sports clubs at ng pribadong sektor.
Positibo si Mayor Evangelista na sa pagpapatuloy ng programa ng One City One Team One Goal Sports Development ay hindi malayong may taga Kidapawan City na makikilala bilang bagong Sports Hero ng bansa.
Maglalaro naman sa darating na Palarong Pambansa 2019 sa Davao City ang mga atleta ng Kidapawan City na nanalo sa SRAA Meet.##(CIO/LKOasay)
photo caption – TAEKWONDO GOLD: Isa si Hannah Faith Acero ng Kidapawan City (gitna) sa mga nanalo ng gintong medalya sa Taekwondo Kyorugi event sa katatapos lamang na SRAA Meet na ginanap sa Sarangani noong February 17-22, 2019. SIya ay produkto ng One Team One City One City Goal Sports Development ng City Government at Department of Education.(photo is from Jhun Dalumpines Acero FB Account)