NEWS | 2022/12/21 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (December 21, 2022) DAGDAG NA DALAWANG PISO kada kilo ng palay ang inisyal na tulong subsidiya mula sa City Government of Kidapawan para sa mga rice farmers ng lungsod.
Ito ang magandang balita mula kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kung saan ito ay karagdagan pa sa P19 na halaga ng kada kilo ng palay mula naman sa National Food Authority.
Ibig sabihin, P21 na ang buying price ng palay sa lungsod na bibilhin ng NFA mula sa mga rice farmers ng Kidapawan City.
Ngayong araw ng Miyerkules, December 21, 2022 ay pumirma si Mayor Evangelista at NFA Region XII Head Miguel Tecson sa pamamagitan ni NFA Cotabato Branch Manager Luisito Mangayayam sa isang Memorandum of Agreement o MOA para sa pagpapatupad ng nabanggit na programa.
Bahagi ng Palay Marketing for Legislators and Local Government Units o PALLGU Program ng NFA ang pagpirma sa MOA ng mga nabanggit na opisyal na naglalayong matulungang kumita ang mga local rice farmers ng lungsod at para na rin may sapat na buffer stocks ng palay ang NFA na siyang tutugon naman sa pangangailangan sa pagkain sa panahon ng mga kalamidad.
Welcome development, ayon pa kay Mayor Evangelista ang PALLGU lalo na at makakatulong ito ng malaki sa mga magsasaka ng Kidapawan City.
Aniya, hindi lamang makikinabang ang mga rice farmers na magkaroon ng kita, kungdi mas mapapalago pa ang mga lupaing tinamnan ng palay, bagay na makakatugon sa seguridad ng pagkain para sa mga Kidapawenyo.
Nagbigay ng mahigit sa anim na milyong piso ang City Government sa NFA Kidapawan bilang inisyal na tulong subsidiya sa mga rice farmers.
Ang naturang halaga ay ang pinakamalaking nai-ambag ng isang LGU sa buong lalawigan ng Cotabato, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Patunay ito sa pagbibigay halaga at malasakit ng City Government sa mga rice farmers ng lungsod, dagdag pa ng alkalde.
Sakop ng pondo ang pagbibigay subsidiya sa mga rice farmers mula November 2022 hanggang sa susunod na taong 2023.
Ginanap ang MOA signing sa pagpapatupad ng PALLGU sa pagsisimula ng Luntiang Pamasko Gikan sa Mag-uumang Kidapawenyo na ginaganap ngayon sa mega tent ng City Hall.
Mabibili lang ng P25 kada kilo ang presyo ng premium rice samantalang mas mababang halaga rin ang presyo ng iba’t-ibang sariwang gulay, pangsahog, tilapia at hito, mga prosesong pagkain at iba pa na lahat ay nagmula o ginawa sa Kidapawan City, ang ibinebenta sa Luntiang Pamasko Gikan sa Mag-uumang Kidapawenyo na bukas sa publiko mula 8am hanggang 5pm ngayong araw. ##(CMO-cio)