NEWS | 2022/03/09 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – PINANGUNAHAN NG City Government of Kidapawan ang pagdiriwang ng International Women’s Day kahapon, March 8, 2022.
Muling kinilala ng Lokal na Pamahalaan ang mahahalagang kontribusyon ng mga kababaihan sa patuloy na paglago pa ng lungsod na siyang pinaka highlight ng okasyon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni City Mayor Joseph Evangelista na hindi matatamo ng Kidapawan City ang kaunlaran nito kung walang nai-ambag ang mga kababaihan.
Bilang pagsuporta na rin sa mga kababaihan, nabigyan ng tulong pangkabuhayan ang mga Women in Distress and Crisis Situation na unang isinabatas ng Sangguniang Panlungsod.
Maliban kay Mayor Evangelista, naging panauhin din si Cotabato Vice Governor Emmylou Talino- Mendoza na may akda ng Gender Code of Cotabato na naglalayung palaguin pa ang women empowerment sa lalawigan.
Nagkaisang nagdiwang ang iba’t-ibang women’s organizations sa lungsod sa Women’s Month.
Ito ay kinapapalooban ng Kalipunan ng Liping Pilipina o KALIPI, Rural Improvement Club, Mother’s Club, Cotabato Indigenous People Women’s Association o CIPWA, Kidapawan City IP Women Federation, Pantawid Pilipino Women, Bangsamoro Women, Solo Parent Women’s Group, VAWC Survivors, Child Development o Day Care Workers, PWD Women’s Group at ang grupo ng mga kalalakihang napapabilang sa Men Opposed Against VAWC.
Dagdag din sa okasyon ang oath taking ng mga opisyal ng Local Council for Women o LCW na ibinigay ni Mayor Evangelista.
Nagsagawa rin ng libreng medical check-up para sa mga kababaihan ang With Love Jan Foundation Incorporated samantalang nagbigay din ng lecture sa mga batas na may kaugnayan sa women empowerment and rights protection si City Prosecutor Atty. Romeo Rodrigo sa okasyon.
May pacontest din na inorganisa ang City Government kung saan ay nagpakitang gilas ng kanilang mga talento sa pagsasayaw, at pag-awit ang mga kababaihan. ##(CIO/JSC/lkro)