NEWS | 2024/01/19 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (January 19, 2024) – Mahigit dalawang daang mga job seekers ang dumagsa sa pinakaunang job fair ngayong taon sa lungsod, kung saan labing tatlong (13) aplikante ang hired on the spot.
179 para sa mga trabahong lokal at 43 naman para sa overseas employment ang bilang ng mga sumubok na makapag-trabaho mula sa naturang aktibidad na ginanap sa City Convention Center ngayong Biyernes (January 19).
Joint sponsorship sa pagitan ng City Government of Kidapawan na pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) at ng Skygo Marketing Corporation ang job fair.
Sa mensaheng ipinaabot ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa mga jobseekers sa pamamagitan ni City Administrator Janice Garcia, sinabi nito na tungkulin ng City Government na maghanap ng job opportunities para sa mamamayan nito upang lumago ang kanilang kabuhayan.
Ilan lamang sa mga local employers na lumahok sa job fair ay ang Penong’s Kidapawan, McDonald’s Kidapawan, Mediatrix Multi-Purpose Cooperative, 7ME Heat Construction Corporation, Park Lay Suites, at Skygo Marketing Corporation.
Kabilang naman sa overseas recruitment agency na naghanap ng mga manggagawa ay ang Zontar Manpower Services Incorporated, EastWest Placement Center, Shaso International Manpower at Placewell International Services Corporation.