NEWS | 2022/11/15 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (November 14, 2022) – BUMISITA sa Lungsod ng Kidapawan ang isang delegasyon mula sa Lungsod ng General Santos para sa benchmarking ng mga hakbang na ginawa ng Local School Board (LSB) ng Kidapawan na itinuturing na mga best practices para mapaunlad pa ang edukasyon at maisulong ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Kabilang sa naturang delegasyon sina Lou Bernandino, Executive Assistant III for Education, LGU General Santos City at Rommel G. Flores, City Schools Division Superintendent, General Santos City at ilang mga miyembro at secretariat ng Gensan Local School Board.
Ilan sa mga ibinahaging best practices ng Kidapawan LSB ay ang School Subsidy Program, Empowerment of Parent-Teachers Association (PTA), No Collection Policy (unauthorized fees), Support in the fight against malnutrition, Vaccination of learners (COVID-19 and other vaccines).
Sinimulang gawin ang mga hakbang na ito sa administrasyon ni dating City Mayor at LSB Chair Joseph A. Evangelista na ngayon ay Board Member ng 2nd Legislative District of Cogtabato kung saan nakinabang ang maraming mag-aaral, pati na mga magulang at guro.
Ipinagpatuloy naman ng bagong alkalde ng na si City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang mga hakbang o best practices na ito sa layuning mabawasan ang bayarin ng mga magulang sa eskwelahan, matiyak ang kalusugan ng mga mag-aaral o learners at ganundin ang kaayusan ng mga paaralan.
Sa briefing and presentation na ginanap sa City Convention Center nitong nakaraang linggo, binigyang-diin ni BM Evangelista ang kahalagahan ng mga education measures at polisiya para sa edukasyon ng mga kabataan.
Kasama sa naturang aktibidad si Acting City Administrator Janice V. Garcia at iba pang personnel ng LGU Kidapawan.
Nagagalak naman si Mayor Evangelista na ipagpatuloy ang mga nasimulan ng dating administrasyon at patuloy na nagsasagawa ng mga karagdagang inisyatiba upang lalo pang mapaunlad at maproteksyunan ang mga mag-aaral kabilang na ang magulang at mga guro.
Kaugnay nito, nagpasalamat ang delegasyon mula sa Gensan sa mga nalamang best practices mula sa LSB ng Kidapawan City at sa mainit na pagtanggap sa kanila ng City Government of Kidapawan. (CIO-jscj//if)