NEWS | 2023/01/04 | LKRO
Nagpatupad muli ng oplan dakop ang composite team na binubuo ng traffic management enforcement unit o tmeu at kidapawan city police station o kcps ngayong araw na ito ng miyerkules enero 4, 2023 sa kahabaan ng highway sa barangay magsaysay, kidapawan city.
Tulad ng dati, pinatigil nila ang mga bumibiyaheng motorista at tricycle drivers at hinanapan ang mga ito ng kaukulang driver’s license, dokumento o papeles bilang bahagi ng oplan dakop.
Kinabahan naman ang maraming drivers lalo na ang mga walang driver’s license kulang ang mga dokumento, expired ang or/cr at iba pa dahil malaking penalidad ang kanilang babayaran lalo na sa violation ng no helmet, no travel policy na abot sa limang libong piso.
Pero laking sorpresa para sa mga motorista at tricycle drivers ang nangyari. sa halip kasi na hulihin ang mga may violation ay pinaalalahanan lamang sila at hindi binigyan ng citation ticket. ipinaalam din sa kanila na anumang araw ngayong buwan ng enero 2023 ay ipatutupad na o full implementation na ng no helmet no travel policy.
samantala, ang mga may kompletong dokumento tulad ng o.r. at c.r., may driver’s license at maayos na kondisyon ang sasakyan ay binigyan ng brand-new full-face helmet mula sa city government of kidapawan.
Makailang beses ng nagpatupad ng oplan dakop – luntiang pamaskong handog nitong nakaraang buwan ng disyembre at sa halip na hulihin ay nakatanggap pa ng noche buena package at bigas ang mga motorista at drivers.
Matatandaang namahagi na rin ng libreng full face helmet ang city mayor’s office at tmeu noong disyembre na ikinatuwa at ipinagpasalamat ng mga mamamayan lalo na ng mga motorista at drivers.
Lahat ng ito ay ginawa upang mahikayat ang publiko na sundin ang batas-trapiko kasabay ng pagbibigay sa mga motorista at traysikel drivers ng ayuda.
Layon din nito na manatiling ligtas ang biyahe ngf bawat motorista pati na mga backriders sa pamamagitan ng pagsusuot ng full-face helmet at pagsunod sa mga itinatakda ng batas.