NEWS | 2022/06/08 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ABOT sa 221 na mga bagong beneficiaries ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ang tumutulong ngayon sa City Government sa kampanya nito laban sa dengue.
Simula June 8, 2022 o araw ng Miyerkules ay itinalaga na sila ng Public Employment Services Office o PESO katuwang ang mga Pamahalaang Pambarangay sa iba’t-ibang lugar sa lungsod na nakitaan ng mataas na kaso ng dengue fever.
Lilinisin nila ang mga komunidad partikular na mga lugar na pinamumugaran ng lamok na may dala ng dengue virus.
Sa bilang na 221 ng mga bagong TUPAD beneficiary, 100 sa kanila ang idineploy sa iba’t-ibang purok ng Barangay Poblacion dahil ito ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng dengue kung ikukumpara sa iba pang mga barangay, paliwanag ng PESO.
Pinasalamatan naman ng Barangay Poblacion at iba pang Pamahalaang Pambarangay si City Mayor Joseph Evangelista at ang PESO sa kanilang sa ibayong kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga TUPAD beneficiaries na linisin ang kanilang mga komunidad.
Sampung araw na gagawin ng mga TUPAD beneficiaries ang paglilinis sa mga komunidad at P336 bawat araw o P3,360 na sahod para sa naturang bilang ng sampung araw na trabaho, ayon pa sa PESO.
Nagmula naman sa informal sector ang mga bagong beneficiaries ng TUPAD program na Isa sa mga sektor na lubhang apektado Ng pandemiya Ng COVID19 .##(CIO/lkro/iff)