NEWS | 2021/02/09 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – 2,421 NA MGA establisimento ang nabigyan na ng Business Permits and Licenses ng City Government mula January 4 hanggang February 9, 2021.
Nagmula ang datos sa City Business Licensing ang Processing Office kung saan ay patuloy pa nilang pinoproseso ang mga permits and licenses ng mga negosyanteng naghahabol sa application at renewals.
Matatandaang ipinatupad ng City Government ang Business One Stop Shop upang magbigay serbisyo sa mga negosyante at taxpayers sa pagsisimula ng bawat taon.
Sa kabila ng Covid19 pandemic, naging maagap ang maraming negosyante at taxpayers na tumungo sa City Hall upang mag renew o di kaya ay magbukas ng negosyo sa Kidapawan City, ito ay ayon pa sa mga kagawad ng BPLO.
Kaugnay nito ay pasasalamat naman ang ipina-aabot ni City Mayor Joseph Evangelista sa kooperasyon ng business sector sa mga programa ng City Government kontra Covid19.
Sa pagsunod ng mga business establishments sa mga itinatakda ng Local IATF, ay nananatiling manageable ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid19 sa lungsod, wika pa ni Mayor Evangelista.
Nakatulong din ang BOSS lalo pa at mas napadali nito ang processing ng business permits and licenses kaagapay ang iba pang ahensya ng pamahalaan na naglagay ng kani-kanilang desk sa Mega Tent ng City Hall.
Hindi naman naging hadlang ang pagpapatupad ng mga minimum health protocols gaya ng mandatory na pagsusuot ng face mask at face shields, thermal at QR Code scanning sa renewal ng kanilang mga dokumento, dagdag pa ng BPLO.
Kumpyansa naman ang City Government na maabot ang mahigit sa tatlong libong bilang ng mga registered business establishments sa lungsod sa pagpapatuloy ng business permit and licenses renewal and application ng mga negosyante. ##(CIO/AJPME)