NEWS | 2022/02/09 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – PERSONAL NA INIABOT ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang pondong abot sa P5,313,030.05 bilang ayuda sa Parents and Teachers Association o PTA subsidy para sa 27 iba’t-ibang pampublikong eskwelahan ng lungsod na pumasa at papayagang magpatupad ng limited face-to-face classes.
Ibinigay ni Mayor Evangelista ang tseke sa isang simpleng turn-over ceremony na ginanap alas ngayong araw ng Miyerkules, ganap na alas-nuebe ng umaga sa City Convention Center.
Dinaluhan ito ng mga school principals, PTA President at mga barangay officials kung saan matatagpuan ang 27 public schools.
Makakatulong ang PTA subsidy para makabili ng dagdag na learning devices ganundin ang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral mula sa COVID-19 tulad ng face mask, alcohol at iba pang kagamitan upang di na kumalat pa ang sakit sa mga eskwelahan.
Nagkakahalaga naman ng P300 ang PTA subsidy na inilaan ng City Government para sa bawat bata na naka-enroll sa public schools.
Nasa mahigit 48,000 ang mga batang mabibigyan ng PTA subsidy sa lungsod ngayong school year 2021-2022.
Agad magbubukas ang nasabing bilang ng mga pampublikong eskwelahan kapag ibinaba na sa Alert Level 2 ang lungsod laban sa Covid19, ayon naman kay City Schools Division Head Dr. Natividad Ocon.
Sinabi ni Mayor Evangelista na hindi lamang kasi makakabenepisyo sa limited face-to-face learning ang mga bata at magulang, kungdi, dahan-dahan na nitong mabibigyan ng kabuhayan ang mga sektor na apektado ng COVID-19 gaya ng mga habal-habal at tricycle drivers, mga nagmamay-ari ng boarding houses pati na mga tindahan at kainan malapit sa mga eskwelahan.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Mayor Evangelista ang mga magulang ng mga batang naka-enroll sa 27 public schools na ipabakuna na ang kanilang mga anak laban sa COVID-19 para matiyak ang kaligtasan laban sa sakit.
Sa darating na February 14, 2022 ay sisimulan na ng City Government ang vaccination ng mga bata o pediatric group 5-11 years old, ayon pa sa alkalde.
Maliban sa ceremonial vaccination na gaganapin sa City Health Office, sabay-sabay na gagawin ang Vaccination Roll-Out ng 5-11 years old sa iba’t-ibang mga ospital na magsisilbing vaccination hubs ng City Government. ##(CIO/JSC/lkro)