NEWS | 2019/06/25 | LKRO
Mataas na koleksyon ng buwis naitala ng City Gov’t sa kalagitnaan pa lamang ng taon
KIDAPAWAN CITY – NAKAPAGTALA NG MATAAS NA TAX COLLECTION EFFICIENCY RATE ANG City Government sa target nito sa koleksyon ng buwis sa kalagitnaan pa lamang ng taong kasalukuyan.
Binunyag mismo ni City Mayor Joseph Evangelista ang naturang development sa pagsisimula ng evaluation ng Cotabato Provincial Government sa City LGU para sa nominasyon nito sa Jose Tuburan Jr. Good Governance Award June 24, 2019.
Resulta na rin ng pagpupunyagi ng Lokal na Pamahalaan mula sa pinaigting na koleksyon ng Real Property at Local Taxes ang narehistrong mataas na koleksyon sa buwis at tiwala ng mamamayan sa kakayahan ng Pamahalaang Lokal na magbigay at magpatupad ng proyekto at serbisyo, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
82% na collection efficiency rate ang nakuha ng City Government sa koleksyon ng mga buwis sa lupa sa ilalim ng Real Property taxes.
75% naman ang collection rate sa General Collections gaya ng permits and licenses; penalties and surcharges; certifications and clearances; at mga katulad na bayarin.
Mula sa target na P 53.5 Million sa City Share at Special Education Fund sa ilalim ng real property taxes, umabot na sa mahigit P41 Million ang aktwal na nakolekta ng City Government as of May 2019.
Mula naman sa target na P143.5 Million sa General Collections, abot na sa mahigit P107 Million ang halaga ng nakolekta ng City Government, ito ay mula na rin sa ipinalabas na datos para sa mga buwan ng Enero-Mayo 2019 ng City Treasurer’s Office na nangangasiwa sa koleksyon ng buwis.
Ipinatitiyak naman ni Mayor Evangelista sa lahat na popondohan ng nakokolektang buwis ang mga pangunahing proyekto ng Lokal na Pamahalaan.
Ang maayos na pagpapatupad ng proyekto at pamimigay ng serbisyo ay nakakahikayat din sa mga investors na maglagak ng kanilang negosyo sa lungsod, wika pa ng alkalde.##(cio/lkoasay)
(photo is taken from pinasmuna.com june 11, 2012)