NEWS | 2019/05/20 | LKRO
Mayor Evangelista balik trabaho na
KIDAPAWAN CITY – BALIK TRABAHO NG MULI si City Mayor Joseph Evangelista matapos manalo sa May 13, 2019 Mid term Elections.
May mga pagtitipon na pangungunahan ang alkalde ngayong linggo na naglalayung ituloy ang mga nabinbin na mga proyekto dahil na rin sa election ban.
Una rito ang posibilidad na ituloy ang planong pagbili ng mga bagong heavy equipments na gagamitin sa pagsasa-ayos ng mga daan sa iba’t-ibang lugar sa Kidapawan City.
Kakausapin ni Mayor Evangelista si Vice Mayor Elect Jiv-Jiv Bombeo kung papaanong ipatutupad ang proyekto sa pagsasa-ayos ng mga daan.
Nakatakda namang pupulungin din ni Mayor Evangelista ang kanyang finance Team para naman pag-usapan kung pwede bang ‘ilibre’ na lang ng City Government ang binibigay nitong ambulance services para sa lahat.
Mga Indigents at senior citizens lamang pa kasi ang nililibre ng City Government sa kasalukuyan sa paggamit ng ambulansya ng Call 911 samantalang may fuel counterpart naman ang iba pang mga indibidwal na nais gumamit nito.
Nais kasi ng alkalde na ilibre na ang ambulance services para sa lahat gayung may paparating ng dalawang bagong ambulansya ang City Government.
Kapag may sapat na pondo para rito, maglalabas ng Executive Order si Mayor Evangelista para gawing libre na ang serbisyo ng ambulansya para sa lahat.
Patungkol naman sa posibilidad ng mga pagbabago sa City hall, sinabi naman ni Mayor Evangelista na walang malakihang pagbabago sa hanay ng mga empleyado at kawani.
Nananatiling maayos naman ang performance ng karamihan ng mga empleyado, wika pa ng alkalde.
Inaasahang magkakaroon ng mga pagbabago sa hanay ng mga kawani sa ilalim ng City Vice Mayor’s Office na pamumunuan na ni VM Elect Bombeo simula sa tanghali ng June 30, 2019.##(CIO/LKOasay)