MAYOR JPE SA E.O. 05: HANGARING MAPANATILI ANG MORALIDAD, DIGNIDAD, AT MAKATOTOHANANG SERBISYO; LARAWAN NG MGA LOCAL ELECTED OFFICIALS AT IBA PA DI NA DAPAT ILAGAY SA MGA TARPAULIN AT POSTERS

You are here: Home


NEWS | 2022/07/12 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN (July 12, 2022) – ISANG kautusan ang nilagdaan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista na nagbabawal sa mga local elected public officials na tulad niya na maglagay ng larawan sa mga tarpaulin, poster, at iba pang printed materials na ginagamit sa mga programa at proyekto ng pamahalaan. 

Ito ang Executive Order No. 05 (Series of 2022) na nilagdaan ni Mayor Evangelista sa ikalawang araw ng kanyang pag-upo bilang alkalde ng Lungsod ng Kidapawan noong July 1, 2022.

Nakasaad sa Section 2 ng Republic Act No. 6713 ang pagsusulong ng mataas na etika (ethics) sa hanay ng opisyal at mga manggagawa ng gobyerno at ipinapaalala na sila ay may pananagutan sa publiko kung saan kailangang maging responsible at tapat, simple o payak at laging mangibabaw ang interes ng mamamayan.

Nakasaad din sa Section 18 ng General Appropriations Act of 2022 ang pagbabawal sa paggamit ng mga pangalan, larawan, logo, at pirma ng mga elected o appointed public officials sa programa, proyekto at iba pang aktibidad ng gobyerno. 

Ganito din ang nakasaad sa Section 2.2.6 ng Commission on Audit Memorandum Circular No. 2013-004 kung saan malinaw na ipinagbabawal  ang paggamit o paglalagay ng litrato, motto, kulay o logo at iba pang pagkakakilanlan ng mga lokal na opisyal.

Kaugnay nito, mahigpit ng ipinagbabawal sa lahat ng mga lokal na opisyal (elected at appointed) ng Kidapawan ang paglalagay ng kanilang mga larawan sa mga poster, tarpaulin at iba pang gamit na may kaugnayan sa mga proyekto at programa, pati na aktibidad ng gobyerno.

Mapapatawan naman kaukulang reklamo at penalidad ang sinumang opisyal na lalabag sa nabanggit na kautusan ganundin ang mga printing shops na hindi susunod sa kautusan.

Ang Executive Order No. 05 ay epektibo mula July 1, 2022 sa Lungsod ng Kidapawan. (CMO/CIO-jscj)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio