NEWS | 2023/03/31 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (March 31, 2023) – MULING namahagi ng mga libreng biik ang City Government of Kidapawan sa pamamgitan ng Office of the City Veterinarian sa mga hog raisers na una ng naapektuhan ng African Swine Fever.
Ginanap ang hog dispersal ngayong araw ng Biyernes, March 31, 2023, alas 8 Ng umaga.
Layon ng programa na tulungan ang mga naapektuhang mga nag-aalaga ng baboy na maka-ahon mula sa negatibong epekto ng ASF sa kanilang komunidad.
Si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at City Veterinarian Dr. Eugene Gornez ang nanguna sa pamamahagi ng naturang mga alagang hayop sa 17 mga beneficiaries ng programa na nagmula sa mga barangay ng Indangan, Balabag, San Isidro, Sto. Niňo, Balindog, Manongol, Sudapin, New Bohol at Macebolig.
Dalawa hanggang tatlong mga biik ang natanggap ng mga beneficiaries ng ASF Recovery Program ng City Government.
May kalakip din na starter feeds para pagkain ng mga biik upang di na gaanong gumasto pa ang mga hog raisers.
Libre walang babayaran ang mga hog raisers na ang mga biik at tanging 50% ng kabuo-ang halaga ng feeds ang ibabalik ng mga beneficiaries sa City Government, ayon kay Mayor Evangelista.
May nilagdaang Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng mga beneficiaries at ang City Government kung saan nakasaad and responsibilidad ng bawat beneficiary na paramihin ang mga biik at sa City Government naman ang pagmo-monitor sa kalagayan ng biik na manatiling malusog at maayos na lumaki para maibenta sa mga pamilihan.
Pasasalamat naman ang ipinapaabot ng mga nakatanggap ng naturang ayuda sa tulong ng City Government.
Matatandaang sumailalim sa ‘culling’ ang lahat ng mga baboy sa mga lugar na tinamaan ng ASF para masegurong hindi ito makahawa sa iba pang mga hayop sa kalapit na lugar.
Nagresulta naman ito sa pagkalugi ng maraming hog raisers sa kasagsagan ng ASF. (CIO)