NEWS | 2019/09/24 | LKRO
Mga magulang na matitigas ang ulo at hindi uma-aatend ng PTA general assemblies, posibleng hindi na makatatanggap ng PTA subsidies
KIDAPAWAN CITY – POSIBLENG HINDI NA makatatanggap ng P400 PTA Subsidy ang mga magulang na hindi tumutulong sa mga school activities at hindi dumadalo sa mga meetings sa eskwelahan ng kanilang mga anak.
Mismong si City Mayor Joseph Evangelista na ang nagmungkahi na tanggalin sa listahan ng mga Parents Teachers Association subsidy beneficiaries ang mga magulang na ‘matitigas ang ulo at walang pakialam sa eskwelahan ng kanilang mga anak’.
Sinabi ito ng alkalde sa Oath taking at meeting ng City PTA Federation officials noong September 23, 2019.
May nakarating na reklamo kay Mayor Evangelista na maraming mga magulang ang hindi nakikilahok sa mga general assembly sa mga public schools, hindi pagtulong ng mga ito sa paghahanda tuwing may feeding programs, pati rin mismo sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela bago magbukas ang school year at iba pang aktibidad na kinakailangan ang suporta at presensya ng mga magulang.
Bagamat ay tataggapin pa rin na makapag enroll sa public school ang kanilang anak, kinakailangan na nilang bayaran ang P400 na PTA fee na sakop ng subsidy, paglilinaw pa ni Mayor Evangelista.
Malaki ang epekto ng delinkwenteng mga magulang sa pagpapatupad ng Health Nutrition and Education programs na isinusulong ng City Government, wika pa ni Mayor Evangelista.
Nais ng alkalde na maghanda ng isang Resolusyon ang PTA City Federation at ipatupad ang nabanggit sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa Kidapawan City. ##(cio/lkoasay)