NEWS | 2019/07/24 | LKRO
Mga negosyante hinikayat na ipasuri ang kanilang mga establisimento laban sa pinsala ng lindol
KIDAPAWAN CITY – HINIKAYAT NI City Mayor Joseph Evangelista ang lahat ng nagmamay-ari ng negosyo sa lungsod na ipasuri ang kanilang mga istruktura para maiwasang mapinsala kung sakaling magkalindol.
Hanggang ngayon kasi ay may mga aftershocks pang nangyayari sa lungsod mula ng manalasa ang Magnitude 5.6 na lindol noong July 9, 2019.
Una nang sinabi ng alkalde na ang hakbang ay upang masegurong ligtas ang lahat ng mga nasa loob at paligid ng gusaling pagmamay-ari ng mga negosyante.
Mainam din na isang Structural Engineer ang sumuri ng mga istruktura dahil ang mga ito ang mas nakakaalam kung papaano maiiwasan ang pagguho kung sakaling may lindol.
Maliban dito ay inoobliga din ang mga business owners na sumunod sa alituntunin ng National Building Code kagaya na lamang ng pagkakaroon ng accessible na emergency exits, tamang electrical at plumbing connections; pag-alis sa mga hazard na pwedeng magresulta ng aksidente, pagkakaroon ng angkop na firewall na proteksyon sa insidente ng sunog at iba pa.
Una nang pinananawagan ni Mayor Evangelista sa himpilan ng radyo ang nabanggit na hakbang.
Kaugnay nito ay nakapagtala naman ng Intensity 3 na lindol ang Kidapawan City bandang 9:20 kaninang umaga, base sa ulat ng Phivolcs.
Tinatayang nasa kalapit na bayan ng Columbio Sultan Kudarat ang sentro ng lindol.
Patuloy naman ang panawagan ng City Government sa ibayong pag-ingat ng lahat sa mga posibleng aftershocks kasunod ng lindol kaninang umaga.##(cio/lkoasay)