MGA SIRA AT DELIKADONG POSTE AT LINYA NG KURYENTE PAGTUTULUNGANG AALISIN NG CITY GOVERNMENT AT COTELCO, EXECUTIVE ORDER HINGGIL DITO INILABAS NA NI MAYOR EVANGELISTA NGAYONG ARAW.

You are here: Home


NEWS | 2023/01/26 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (January 26, 2023) – KAPWA AAKSYONAN NG City Government at ng Cotabato Electric Cooperative o COTELCO ang suliranin patungkol sa presensya ng mga delikadong poste at linya ng kuryente sa lungsod.

Napagkasunduan nina City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at ng pamunuan ng COTELCO na gawin ang naturang hakbang para na rin sa kaligtasan ng mga motorista at ng publiko sa kabuo-an, sa isang pagtitipon na ipinatawag ng alkalde araw ng Miyerkules, January 25, 2023.

Pwedeng magresulta sa aksidente sa daan o di kaya ay pagkaka-kuryente ang presensya ng mga sira, nabubulok, nakatagilid o nakaharang na mga poste sa daanan at mga kawad ng kuryente na nakasayad na sa daan, mga sanga ng kahoy at iba pang bagay na maaring magdulot ng sunog sa komunidad kung kaya ay itinuturing ni Mayor Evangelista na banta sa Public Safety ang naturang usapin.

Hindi lamang mga peligrosong poste at kuryente ang nais alisin ng City Government at COTELCO kungdi pati na rin mga hazard structures na inilagay ng mga Telecommunication company at maging cable TV.

Basehan ng alkalde ang mga probisyon ng National Building Code of the Philippines na siyang nagsasabatas ng mga alituntunin sa kaligtasan at integridad ng mga gusali at istraktura sa bansa.
Bunga nito, ay susulat kapwa ang City Government at ang COTELCO sa mismong Department of Public Works and Highways o DPWH upang masimulan na ang pagbabaklas ng mga sira at hazard na poste at linya ng kuryente.

Napag-alaman na marami sa mga nabanggit ay nakalagay sa mga road expansion projects ng ahensya.

Hinggil dito ay nilagdaan at ilalabas na ng alkalde ang Executive Order number 02 series of 2023 ngayong araw ng Huwebes, January 26, 2023 na nag-uutos sa pag-aalis ng mga delikadong poste at linya ng kuryente sa lungsod.

Probisyon sa naturang EO na nag-uutos sa mga business establishments na makipagtulungan sa mga kinauukulan sa pag-alis ng mga delikadong kawad ng kuryente at mga delikadong poste na makapagdudulot ng aksidente sa sino man sa loob at labas ng kanilang mga tindahan.

Pwede maharap sa reklamo sa sino man na hindi susunod sa EO 02 s. 2023 na naglalayung gawing ligtas ang publiko laban sa mga delikadong poste at kawad ng kuryente.

Upang mas magkaroon pa ang diin ang naturang plano ng City Government at COTELCO, plano ni Mayor Evangelista na gawing isa sa mga agenda sa gaganaping meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC ang naturang usapin. ##(CMO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio