NEWS | 2019/09/19 | LKRO
Mga SK kagawad hinikayat na tumulong sa Voters Registration
KIDAPAWAN CITY – HINIKAYAT ni City Mayor Joseph Evangelista ang lahat ng kagawad ng Sangguniang Kabataan sa lungsod tumulong sa pagpapatala ng mga bagong botante para sa May 2020 Barangay/SK Elections.
Sa September 30, 2019 na ang deadline kung kaya at marapat lamang na makipag-ugnayan ang SK sa kanilang mga barangay officials na ipaalam sa mga botante ang pagpaparehistro sa City Comelec.
Mga botante edad 15 hanggang 17 years old ang target na magparehistro para sa SK samantalang disi-otso anyos pataas naman sa regular voters registration.
Una ng nagsagawa ng Satellite Voters Registration ang City Comelec sa mga barangay ng lungsod simula August 1, 2019.
Ngunit may mangilan-ngilan pa ring mga indibidwal na pasok sa voting age ang hindi pa nakapagpatala, bagay na nag udyok kay Mayor Evangelista na hikayatin ang mga kagawad ng SK na tumulong na sa pagpapa-alam ng ginagawang Voters Registration.
Bagamat may mga pinaplanong pagpapaliban sa Barangay/SK election na niluluto sa Kongreso sa kasalukuyan, mainam pa rin na ituloy ang Voters Registration hanggang sa September 30, 2019, panawagan pa ni Mayor Evangelista sa mga kagawad ng Sangguniang Kabataan. ##(cio/lkoasay)