OCR NG KIDAPAWAN AKTIBONG NAKIKIISA SA IKA-33 CIVIL REGISTRATION MONTH NGAYONG PEBRERO

You are here: Home


NEWS | 2023/02/22 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 9, 2023) – ABALA ngayon ang Office of the Civil Registrar ng Kidapawan sa libreng pagpapatala o free registration ng birth certificate, marriage certificate, at death certificate maging ito man ay on-time o delayed registration.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-33 Civil Registration Month ngayong Pebrero1-28, 2023 o buong buwan ng Pebrero kaakibat ang Philippine Statistics Authority o PSA.
Sa temang “PSA @ 10: Providing Efficient and Effective Civil Registration and Vital Statistics through Digital Transformation”, pinalalakas pa ng OCR ng lungsod ang serbisyo nito para sa mga mamamayan na hindi pa nagagawang iparehistro ang kanilang mga birth, marriage, at death certificate o mga civil registry documents.
Ilalaan ng Office of the Civil Registrar ng Kidapawan ang buong buwan ng Pebrero para sa late registration ng birth, marriage, at death certificate ng walang bayad o libre o mula Pebrero 1-28, 2023 habang ang ibang munisipyo ay mula 1 day hanggang 1 week lamang ang ilalaang panahon para sa late registration, ayon kay Acting City Civil Registrar Mercedes P. Tolentino.
Pero paano nga ba o ano ang kailangang gawin para maka-avail ng libreng late registration? Simple lamang ang mga hakbang, ayon kay Tolentino.
Kailangan munang kumuha ng verification mula sa PSA upang matiyak na hindi pa talaga narerehistro ang isang partikular na dokumento at upang hindi magkaroon ng double registration.
Kapag birth certificate ang ipaparehistro ay kailangang magdala ng kopya nito kung saan naman makikita ang importanteng detalye tulad ng date and place of birth.
Sa marriage certificate naman, dapat na dalhin ang marriage contract at magdala ng valid identification card.
Sa late registration naman ng death certificate ang kailangang dalhin ay ang death certificate, affidavit ng pinakamalapit na kamag-anak, at certification from barangay kung saan inilibing ang namayapa.
Nilinaw ni Tolentino na kapag lumampas na sa 30 araw ng pagkapanganak, kasal o kamatayan at hindi pa napaparehistro ang mga civil registry documents, ito ay considered late o for late registration na.
Kung on time registration ng birth at marriage ay P100 ang babayaran pero kung late na ay P200 na ang bayad. Sa death certificate naman ay P250 ang on time registration at ang late ay mas mababa at ito ay P200 pero mas marami na ang requirements na hihingiin.
Sa unang tatlong linggo ng Pebrero 2023 ay nakapagtala naman ang OCR ng Kidapawan ng abot sa 372 registration para sa birth kung saab 39 ang delayed o late; 44 registration para sa marriage kung saan 6 ang delayed; at 59 registration para sa death kung saan 3 ang delayed registration.
Kabilang ang bagong kasal na sina Edwin at Vibialyn Binang sa mga nagtungo sa OCR Kidapawan upang magpa-register ng marriage contract.
May paglilinaw naman ang OCR Kidapawan na kahit hindi Civil Registry Month ay tinatanggap pa rin nila ang pagpaparehistro ng birth certificate ng libre para naman sa mga sanggol na ipinanganak sa public hospitals o maging sa barangay birthing clinics. Nakikipag-ugnayan daw ang kanilang tanggapan sa mga barangay secretary upang tulungan ang mga magulang na maparehistro ang birth certificate ng mga bata dahil napakahalaga itong gawin.

Alinsunod naman sa Presidential Proclamation 682 ay itinakda ang buwan ng Pebrero ng bawat taon bilang Civil Registration Month kung saan bininigyang pansin ang halaga ng pagpaparehistro ng mga mahahalang dokumento ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal.
Kaugnay nito, may panawagan si Tolentino sa mga mamamayan ng lungsod na huwag sayangin ang pagkakataong ito kung saan libre o walang bayad sa pagpapatala ng kanilang birth, marriage, at death certificate ng mga yumaong mahal sa buhay.
Kaya naman mas mainam na tunguhin na ang tanggapan ng Civil Registrar at iparehistro ang nabanggit na mahahalagang dokumento upang hindi na magkaproblema pa sa susunod na mga araw.
Maaari namang mag text o tumawag sa OCR Kidapawan sa pamamagitan ng mga numero 064-577-5199 at 0970-364-6976 para sa mga dagdag pang impormasyon.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio