NEWS | 2023/03/01 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Marso 1, 2023) – DALAWANG parangal ang nakamit ng Office of the City Civil Registrar ng Kidapawan sa katatapos lamang na pagdiriwang ng 33rd Civil Registration Month nitong buwan ng Pebrero.
Ito ay kinabibilangan ng Most Outstanding Local Civil Registry (1st Place) sa buong Cotabato Province kung saan tumanggap ang OCR Kidapawan ng Plaque of Recognition mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) – Cotabato Provincial Statistical Office.
Iginawad sa OCR Kidapawan ang naturang parangal dahil na rin sa mahusay na pagpapatupad ng mandato ng tanggapan at ganundin ang mga programa ng PSA kabilang na ang free late birth, marriage, and death registration sa kasagsagan ng 33rd Civil Registration Month.
Dagdag pa rito, ay nakamit din ng OCR Kidapawan ang 1st Place sa Infographic Making Contest na nilahukan ng iba’t-ibang mga OCR sa Cotabato Province. Nasungkit ng tanggapan ang panalo dahil sa mahusay na visual presentation ng impormasyon at data sa mga stakeholders.
Iginawad ang dalawang parangal sa Closing Ceremony ng 33rd Civil Registration Month sa PSA Regional Statistical Office 12, Koronadal City nitong Pebrero 28, 2023 kung saan pormal na tinanggap ni City Civil Registrar Mercedes P. Tolentino ang plaque at certification na kapwa may lagda ni Engr. Belinda R. Penuela, Chief Statistical Specialist, PSA 12.
Kaugnay nito, sinabi ni Tolentino na nagpapasalamat ang buong OCR Kidapawan sa mga parangal na kanilang nakamit kasabay at tiniyak na magpapatuloy ang tanggapan sa pagganap ng kanilang tungkulin para sa ikabubuti ng mamamayan.
Alinsunod rin daw ito sa mandato ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na ihatid o ibigay ang makatotohanang serbisyo publiko sa mamamayan ng lungsod, dagdag pa ni Tolentio.
Tema ng 33rd Civil Registration Month ngayong Pebrero 2023 ay “PSA @10: Providing Efficient and Effective Civil Registration and Vital Statistics through Digital Transformation”. (CIO-jscj//if)