NEWS | 2019/09/09 | LKRO
OCVET magsasagawa ng blood sampling kontra African Swine Fever
KIDAPAWAN CITY – MAGSASAGAWA NG BLOOD SAMPLING ang City Veterinary Office sa mga babuyan ng iba’t-ibang barangay ng lungsod simula sa September 13, 2019.
Hakbang ito upang masegurong hindi mahahawa ng African Swine Fever ang mga baboy sa Kidapawan City, ayon pa kay City Veterinarian Dr. Eugene Gornez.
Gagawin ang blood sampling matapos ikumpirma mismo ng Department of Agriculture na African Swine Fever ang dahilan ng pagkakamatay ng ilang mga baboy sa probinsya ng Rizal at Bulacan.
Labing-apat mula sa dalawampung blood samples ng mga nagkasakit at namatay na baboy ay nagpositibo sa AFS ayon pa sa report na inilathala sa Philippine Daily Inquirer September 9, 2019.
Pinaplano na rin ng DA na isasailalim sa ‘depopulation” ang mga baboy sa nabanggit na mga lugar at kalapit bayan ng mga ito upang mahiwalay ang mga hindi nagkakasakit na mga baboy sa mga may karamdaman na, dagdag pa sa report.
Hindi dapat mabahala ang publiko dahil ligtas kainin ang mga karne ng baboy na ibinebenta sa Mega Market ng lungsod, ayon pa sa OCVET.
Pinapayuhan din ang mga nag-aalaga ng baboy na agad sumangguni sa OCVET o di kaya ay sa kanilang mga Barangay Animal Health Workers kung sakaling magkasakit ang kanilang mga alaga.
Tatalima at ipatutupad ng City Government ang ano mang ipag-uutos ng National Government para mapigilan ang pagkalat ng AFS sa mga piggery sa lungsod.##(cio/lkoasay)