OPERATIONAL DRY RUN AT INSPECTION NG DFA CONSULAR OFFICE COTABATO-KIDAPAWAN MATAGUMPAY NA ISINAGAWA, TANGGAPAN HANDA NG MAGBIGAY SERBISYO SA PUBLIKO

You are here: Home

[tfg_social_share]


NEWS | 2022/07/06 | LKRO


thumb image

(KIDAPAWAN CITY – July 6, 2022) MATAGUMPAY NA isinagawa ang operational dry run at inspection para sa pagiging handang magbigay serbisyo ng Department of Foreign Affairs o DFA Consular Office Cotabato-Kidapawan.

Magkatuwang na isinagawa ng team mula sa National Economic Development Authority o NEDA, DFA at ng City Government of Kidapawan nitong nakalipas lamang na June 29-30, 2022 ang isang operational dry run at inspection upang malaman ang mga kakulangan at mapunan agad ang mga ito sa pagbubukas ng pasilidad ngayong third quarter ng taong kasalukuyan.

Bago pa man ang operational dry run and inspection ay personal munang nakipagkita ang team kay City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista kung saan nakakuha sila ng ibayong suporta mula sa alkalde.

Ang gusali ng DFA Consular Office ay ipinatayo ng City Government katuwang ang tanggapan ni Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan para bigyan ng serbisyo ang mga kababayang Overseas Filipino Workers at mga indibidwal mula sa lungsod at iba pang munisipyo na nais makakuha ng passport  ganundin mga mamamayan mula sa kalapit na mga probinsiya.

Bago pa man ang naturang gawain, ay na-install na sa loob ng P25 Million DFA Consular building na matatagpuan sa dulong bahagi ng Alim Street sa may City Overland Terminal, ang mga kagamitan para sa operasyon nito.

Kinabibilangan ito ng information and communications technology o ICT equipment gaya ng laptops, desktop computers, camera, keyboard, fingerprint scanners, document scanners, signature pads , closed circuit television camera o cctv at iba pang kagamitan na nagmula sa DFA Home Office at ibinyahe patungo sa lungsod.

Inilagay naman ang mga ito sa mga passport processing counters ng DFA Consular Office Cotabato-Kidapawan.

Kasabay din nito ang pagsuri sa internet connectivity at speed assessment patungo sa koneksyon sa DFA Office of the Consular Affairs portal ang nasabing pasilidad.

Bawat computer unit ay nagsagawa ng mock pass porting activity upang malaman ang kahandaan nito na magproseso ng pasaporte.

Maayos na rin ang mismong gusali at gumagana na rin ang drainage, septic at plumbing system nito, ayon pa sa team.

Patunay lamang ito na handang -handa na ang tanggapan na tumugon at magbigay serbisyo sa oras na magbukas ito sa publiko. 

Kaugnay nito ay ipinag-utos na rin ni Mayor Pao Evangelista sa City Planning and Development Office o CPDO na alalayan at ibigay ang mga kinakailangan ng DFA Consular Office Cotabato-Kidapawan para na rin sa nakatakdang pagbubukas nito para sa mamamayan. ##(CIO/PFPD-NEDA XII/jpo/lkro/jcsc/iff)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio