NEWS | 2022/06/20 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (June 20, 2022) – NAPUNO ng masigabong palakpakan ang Provincial Gymnasium sa Barangay Amas, Kidapawan City sa ginanap na Oath-taking Ceremony at Inauguration ng mga opisyal ng Lalawigan ng Cotabato kung saan nanumpa si dating City Mayor at ngayon ay Senior Board Member ng Second Legislative District of Cotabato Joseph A. Evangelista at si Governor Emmylou “Lala” Talino-Mendoza na nagbabalik bilang ika-25 gobernadora ng probinsiya.
Sa kanyang mensahe matapos ang inagurasyon, binigyang-diin ni Board Member Evangelista ang kahalagahan ng makatotohanang serbisyo publiko at ang mahusay na pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa mamamayan.
Bilang isang public servant at naglingkod sa loob ng tatlong termino bilang alkalde ng Lungsod ng Kidapawan ay ipagpapatuloy daw niya ang mga bagay na kanyang nagawa sa lungsod sa malawak na bahagi ng 2nd District of Cotabato na kanya namang pagsisilbihan sa nalalapit na mga araw.
Pinasalamatan ni Board Member Evangelista ang lahat ng mga naniwala at sumuporta sa kanyang kandidatura bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Cotabato at hinimok din ang lahat na magtulungan para sa ikauunlad ng distrito at ng buong lalawigan.
Sa kabilang dako, pinasalamatan din ni Gorvernor Talino-Mendoza ang mga Cotabateno na sumuporta sa kanya at nagbigay daan sa pagbabalik ng programa at adbokasiya ng Serbisyong Totoo para sa mamamayan ng Cotabato.
Samantala nanumpa din sa tungkulin ang mga sumusuod na provincial officials: Trade Union Congress of the Philippines o TUCP Party List Representative Atty Raymond C. Mendoza, 2rd Legislative District of Cotabato Representative Rudy S. Caoagdan, at 3rd Legislative District of Cotabato Representative Samantha Talino-Santos, Cotabato 1st District Board Members Sittie Eljorie Antao-Balisi at Atty. Roland D. Jungco, 2nd District Board Member Ryl John C. Caoagdan, at 3rd District Board Members Ivy Dalumpines- Ballitoc, Jonathan M. Tabara, at Joemar S. Cerebo.
Pormal namang uupo sa kanilang mga puwesto ang nabanggit na mga opisyal pagsapit ng 12:01 ng tanghali ng June 30, 2022. (CIO-jscj/if/aa/dv)