NEWS | 2019/05/07 | LKRO
P53 Milyon water system projects pinondohan ng City Government mula 2014 hanggang sa kasalukuyan
KIDAPAWAN CITY – MAHIGIT SA LIMAMPU AT TATLONG MILYONG PISONG WATER SYSTEM PROJECTS ang pinondohan ng City LGU mula pa 2014 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ay katumbas sa siyamnapu at walong mga water system projects na kinabibilangan ng pagpapatayo ng reservoir, paglalagay ng distribution lines, upgrading ng linya ng tubig at water impounding projects sa iba’t-ibang barangay ng lungsod.
Nakipagtulungan si City Mayor Joseph Evangelista sa Metro Kidapawan Water District para mabigyan ng serbisyong patubig ang mga mamamayan lalo na yaong nasa malalayong lugar na hindi pa nararating ng koneksyon ng tubig mula sa ahensya.
Nagmula ang pondo sa 20%Economic Development Fund ng City Government, Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, Performance Challenge Fund at SALIN TUBIG Project ng DILG at Trust Fund mula sa binabayaran ng City Government sa MKWD.
Sa pamamagitan ng partnership nito sa MKWD, popondohan ng City Government ang pagbili ng mga materyales para sa proyekto samantalang ang MKWD na ang magkakabit ng mga linya ng tubig.
Sa nasabing bilang ng water system projects, limampu at lima sa mga ito ay napapakinabangan na ng mga residente.
Ang iba naman ay ongoing pa, nasa public bidding stage at for implementation na.
Hindi lamang malinis, ligtas at de kalidad na inuming tubig ang hatid ng mga proyektong water system sa mga mamamayan kungdi nakakatulong din ito sa maayos na kalusugan at pangangatawan, ani pa ni Mayor Evangelista.##(cio/lkoasay)