NEWS | 2021/03/08 | LKRO
CITY GOV’T KIDAPAWAN CITY – LIGTAS ANG PAGPAPABAKUNA. Ito ay mensahe ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga nagdadalawang-isip o may mga agam-agam na magpabakuna kontra Covid19. Sapat na ang proteksyon na ibibigay ng bakuna para maproteksyunan sa impeksyon at komplikasyon na dulot ng Covid19 wika pa ng alkalde sa pagsasagawa ng unang araw ng Covid19 roll out vaccination program sa Notre Dame of Kidapawan College. Hindi pa kasi pinahihintulutan ng National IATF-MEID at DILG ang mga local officials na magpabakuna kontra Covid19 sa halip inuna muna yaong mga medical frontliners, ayon pa kay Mayor Evangelista. Hindi nakitaan ng ano mang negatibong epekto ang 28 na mga medical front liners na nabigyan ng kanilang kauna-unahang dose ng Sinovac Coronavirus Vaccine sa isinagawang vaccination roll out ng City Government ngayong araw. Tanging kirot lamang ng pagtuturok ang naramdaman ng mga nabigyan ng bakuna, ani pa ni Covid19 Temporary Treatment Monitoring Facility Head Dr. Hamir Hechanova na siyang kauna-unahang nabigyan ng bakuna sa lungsod. Maliban sa pagiging mabuting ehemplo para hikayatin ang publiko na magpabakuna, nais ipabatid ni Dr. Hechanova sa lahat ng Kidapawenyos na dapat din nila itong gawin ng sa gayun ay maprotektahan ang sarili at mga mahal sa buhay laban sa Covid19. Inuna ang mga medical frontliners na mabigyan ng bakuna upang masegurong tuloy-tuloy ang serbisyong medical sa mga referral facility sakali mang muling tumaas ang bilang ng kaso ng Covid19 dahil ito mismo ang idinidikta ng DOH at National IATF-MEID on Covid19. 137 na mga medical frontliners sa mga Covid19 referral facility ng lungsod ang target mabigyan ng bakuna, matapos dumating nitong weekend sa lalawigan mula sa DOH 12. Dumaan muna sa masusing screening ang lahat ng medical front liners bago ang aktwal na pagbabakuna. Pagkatapos mabigyan ng bakuna ay sumailalim sa post vaccination observation ang lahat para malaman kung may negatibong epekto sa katawan ang bakuna. Ibibigay naman ang pangalawang dose ng Sinovac 28 days pagkatapos ang unang turok. Maliban sa NDKC Hub, gagawin din ang kahalintulad na aktibidad sa NDKC Integrated Basic Education campus, St. Mary’s Academy at sa Kidapawan Doctors College ngayong linggong kasalukuyan. ##(CIO)