NEWS | 2023/02/23 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Pebrero 21, 2023) – MAHALAGA para sa isang opisina o workplace na magkaroon ng sapat na kakayahan ang mga empleyado sa paggawa ng tungkulin at magkaroon sila ng maayos na samahan para makamit ang mga layunin ng kanilang tanggapan.
Kalakip nito ang pagkakaroon ng maayos na pamamalakad ng isang opisina kung saan nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga opisyal o management at ang mga rank and file employees pati na ang mahusay na sistema pagdating sa office work and transactions.
Kaya naman ipinag-utos ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang pagsasagawa ng 2-day Capacity Building Agenda para sa mga personnel ng City Government of Kidapawan kung saan unang isinalang ang mga personnel ng Human Resource Management Office o HRMO sa pangunguna ni Magda Bernabe, Head ng HRMO; City Planning and Development Office o CPDO sa pangunguna ni Engr. Divina Fuentes, Head ng CPDO; City Cooperative Development Office o CCDO sa pangunguna ni Dometillo Bernabe, ang Head ng CCDO at Motor Pool nitong Pebrero 20-21, 2023 sa Elai Resort, Hotel and Recreation Center, Barangay Paco, Kidapawan City.
Mga piling lecturer mula sa government at private sector ang mga resource person at namgula ang mga ito sa lungsod ng Cagayan de Oro, Cebu at lalawigan ng Surigao del Sur.
Sumailalim ang mga partisipante sa mga aktibidad na mapapalawig ng kaalaman at kakayahan pagdating sa aspeto ng human resource development, organizational development, at institutional development na pawang mga mahahalagang bahagi sa pagkamit ng mithiin ng bawat departamento.
Isa sa mga naging facilitator ng aktibidad ay si Atty. Levi Jones Tamayo, Executive Assistant for Civil Society Development Unit ng Office of the City Mayor kung saan sinabi niyang may lectures at session na ginawa tulad ng Values Formation at Objective, Reflective, Interpretive, Decisional o ORID discussion method at malaki ang naitulong nito para ikauunlad ng mga personnel.
Sinabi ni Atty Tamayo na sa pamamagitan ng CAPDEV ay naiparating ng mga personnel ang mga mahahalagang bagay na may kaugnayan sa trabaho at sa working relations ng mga rank and file at department heads at ang positibong solusyon sa mga lumabas na concerns.
Hinimok din niya ang mga empleyado na lumahok at makiisa upang marinig ang kanilang mga boses o mga bagay na nais nilang iparating sa kinauukulan sa layuning mas maging maganda pa ang samahan sa loob ng workplace.
Matapos naman ang CAPDEV pilot activity sa apat na nabanggit na departamento ng City Government ay susunod naman ang iba pang mga opisina at sasailalim din sa kahalintulad na lecture at session.
Ito ay upang mapalakas ang kakayahan nila at maging aktibong partner ng local na pamahalaan sa pagsisikap at pagkilos tungo sa pagtamo ng kaunlaran sa lungsod.