NEWS | 2019/07/02 | LKRO
Php 1.007 Billion Budget for 2020 planong ipasa ng City Gov’t
KIDAPAWAN CITY – MAPAPABILANG NA SA BILLIONAIRE CITY ANG Lungsod ng Kidapawan.
Sa unang pagkakataon kasi ay aabot na sa mahigit isang bilyong piso ang magiging budget ng City Government sa susunod na taon.
Inihayag ni City Mayor Joseph Evangelista ang pinaplanong pagpapasa ng 2020 Php 1.007 Billion Annual Budget June 27, 2019 sa pagtitipon ng mga bagong halal na opisyal at mga department heads ng City Hall.
Ito na ang pinakamalaking budget ng City Government na inaasahang magbibigay pa ng dagdag na serbisyo, programa at mga proyekto para sa mamamayan ng lungsod, wika pa ni Mayor Evangelista.
Nakapaloob sa Executive Legislative Agenda o ELA ang pagpapasa ng naturang budget kung saan ay magsisilbing gabay sa City Government sa kung ano-anong mga proyekto, programa at serbisyo ang ipatutupad nito mula 2019-2022.
Posibleng maipapasa ang Php 1 Billion budget sa huling bahagi ng taong kasalukuyan.
Sa pamamagitan nito, ay mas mapapagtuonang pansin ang mga programa at serbisyong nasa ilalim ng Health, Education, Social Services, Manpower-Job generation; Revenue Generation, Agriculture, Tourism, Infrastructure Development at Public Safety.
Magiging prayoridad ni Mayor Evangelista na makipag-usap sa mga lokal na opisyal ng bayan ng Makilala at Bansalan Davao del Sur para sa planong pagbubukas at pagko-kongkreto ng Maligaya Balindog- Singao- Makilala-Bansalan Road.
Sa pamamagitan nito ay magkakaroon na ng alternatibong ruta ang mga sasakyan papasok at palabas sa nabanggit na mga lugar.
Patuloy naman ang plano ng alkalde na hikayatin ang Department of Foreign Affairs na maglagay na ng extension office sa lungsod ng Kidapawan.
Dahil na rin sa dumaraming mga OFW’s na nag-aaply ng socialized housing sa City LGU, prayoridad din ni Mayor Evangelista na magdagdag pa ng Resettlement Site para sa magiging tahanan ng mga Overseas Filipino Workers na taga Kidapawan City.
Pinaplanong magbigay ng 1,000 slots ng City Government sa mga OFW’s na walang naipundar na bahay mula sa 350 slots na binigay nito sa kasalukuyan kapag naitayo ang dagdag na Resettlement Site.##(cio/lkoasay)
Photo caption – MGA BAGONG HALAL NA OPISYAL NG KIDAPAWAN City:(mula sa kaliwa) City Councilors Gregorio Lonzaga; Aljo Cris Dizon; Narry Amador; Melvin Lamata Jr; Carlo Agamon; Vice Mayor Jivy Roe Bombeo; City Mayor Joseph Evangelista; City Councilors Peter Salac; Marites Malaluan; Liga President Morgan Melodias; Airene Claire Pagal at Ruby Padilla- Sison.(cio photo)