NEWS | 2024/01/18 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ( January 18, 2024) Sa layuning maiwasan ang kriminalidad at gawing ligtas ang mamamayan ng lungsod, sinimulan ng ipatupad ng City Government ang malawakang curfew mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas kwatro ng madaling araw (12am-4am).
Basehan nito ang Executive Order number 05 s. 2024 na inilabas ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista nitong January 17, 2024.
Bawal ng gumala o tumambay ang sino man sa mga city streets, highways, parks, playgrounds, public places, buildings at maging sa mga bakanteng lote o sa labas ng pribadong lugar sa nasabing mga oras.
Inatasan niya ang City PNP, Traffic Management and Enforcement Unit (TMEU) at mga Barangay Local Government Units na ipatupad ang curfew sa pamamagitan ng pagpapatrolya at pagbabantay sa mga komunidad.
Lahat ng mahuhuling lalabag sa curfew ay dadalhin ng mga otoridad sa City Police Station para sa verification at recording.
Ngunit, nilinaw naman ng EO ni Mayor Evangelista na exempted ang mga otoridad na inatasang magpatupad ng curfew, uniformed personnel na gumaganap sa kanilang tungkulin na may koordinasyon sa pulisya, mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at Call 911 Emergency Response Unit, mga health workers na nagta-trabaho sa mga ospital, at botika, mga nagtitinda sa palengke sa mga oras na nabanggit, mga empleyado ng cargo at delivery company at iba pang mga manggagawa na nagta-trabaho sa naturang mga oras (ngunit kinakailangan pa ring magpakita ng valid ID). ##(LK Oasay | City Information Office)