NEWS | 2022/03/22 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (March 22, 2022)- Pitong mga proyekto sa ilalim ng Local Government Support Funds – Support to Barangay Development Program o LGSF-SBDF ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Lungsod ng Kidapawan ang matagumpay na natapos (100% completed) at magagamit na ng mga mamamayan.
Kabilang dito ang Concreting of Farm-to-Market Road (Purok 3 to Purok 2) sa Barangay Sikitan na nagkakahalaga ng P12M kung saan ginanap ang isang ceremonial turnover alas-7 ng umaga sa nabanggit na barangay.
Nanguna si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa naturang turn-over at ribbon cutting kasama si DILG Cotabato Provincial Director Ali B. Abdullah at Barangay Kalaisan Punong Barangay Zacarias dela Cruz.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga konsehal ng lungsod na sina Galen Ray Lonzaga, Carlo Agamon, at Aljo Cris Dizon ang representante mula sa 72nd IB ng Phil Army.
Pinasalamatan ni Punong Barangay dela Cruz ang national government partikular ang ELCAC sa pagpapatupad bg nabanggit na proyekto para sa kanyang barangay.
Nagpasalamat din siya kay Mayor Evangelista sa sinserong koordinasyon at pakikipagtulungan sa national government upang maisakatuparan ang proyektong farm to market road magpapabago sa takbo ng pamumuhay ng mga residente doon partikular na ang mga magsasaka.
Samantala, maliban sa farm-to-market road sa Barangay Sikitan (Purok 3- Purok 2) ay 100% completed o tapos na rin ang mga sumusunod na LGSF-SBDP funded projects ng ELCAC:
School building (P1.5M) sa Barangay Marbel, concreting of farm-to-market road (P12M)sa Barangay Marbel, expansion of Level III water (P600,000) sa Sitio Sumayahon, Barangay Perez; expansion of level III potable water system (P600,000) sa Purok Chico to Purok Avocado, Barangay Singao; expansion of level III potable water system (P590,000) sa Purok Marang, Barangay Singao; at expansion of level III water system (P100,000)sa Purok Mangga to Purok Durian, Barangay Linangkob, Kidapawan City.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni DILG Cot PD Abdullah si Mayor Evangelista at ang buong City Government of Kidapawan dahil sa ibayong pagsisikap at pagpupursige na matapos at pormal na mai-turn over sa mga residente ang nabanggit na mga proyekto.
Layon ng NTF-ELCAC na wakasan na ang komunismo at armadong pakikibaka sa mga barangay sa pamamagitan ng mga programa at proyekto at hikayatin ang mga armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at magbagong-buhay. (CIO-JSCJ/AA/DV)